Una sa Balita

Pagbabalik ng Dengvaxia suportado ng mga doktor, eksperto

0 714

SUPORTADO ng grupo ng mga doktor ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik ang Dengvaxia vaccine.

Sinabi nina Dr. Charles Yu, Co-Convenor ng Doctors for Truth and Public Welfare at dating pangulo ng Philippine College of Physicians at Dr. Fatima Gimenez, ng Philippine Pediatric Society at Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines, na sinusuportahan nilang mga doktor ang pagbabalik ng bakunang Dengvaxia dahil tumataas na ang kaso ng dengue sa bansa.

Batay sa rekord ng Department of Health (DOH), nitong nakalipas na buwan ng Hulyo, nakapagtala ng 146,062 kaso ng dengue at higit sa 622 na ang namatay.

Kasabay nito, umaapela ang mga medical expert na tigilan na ang pana­nakot ngayong may epidemya na ng dengue.
Sinisi ni Yu, ang maling ulat hinggil sa dengvaxia vaccine na sinasabing namatay ang ilang naturukan.

Aniya, walang matibay na patunay na nakasama o sanhi ng pagkamatay ang naturang bakuna sa ilang nainiksiyunan nito.

Binanatan naman ni Yu si Atty. Persida Acosta ng Public Attorney’s Office matapos siyang maglabas ng mga unverified na impormasyon at mga kasong pag-aaral na nagsasabing nakamamatay ang Dengvaxia.

Gayundin, nanawagan din si Gimenez sa mga magulang na sa doktor lumapit at huwag sa abogado kung may problema sa kalusugan ang kanilang mga anak.

Samantala, nanawagan si Senadora Pia Cayetano na gamitin muli ang Dengvaxia vaccine kasundo ng deklarasyon ng DOH tungkol sa epidemiya ng dengue sa buong bansa.

“Let’s listen to the experts.”

“This is a technical and scientific matter that should be left to the health experts. The President [already] said he’s listening to them, so let’s give this time,” pahayag ni Cayetano.

“Sana po huwag muna tayong mag-comment… Kasi litong-lito na ang mga tao,” apela pa nito sa mga politikong nagsusulong na gamiting muli ang Dengvaxia vaccine. (Mina Aquino/Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More