Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pagbabakuna sa masa para maprotektahan ang lahat

0 56

Ngayong buwan ng Hunyo, inaasahan natin ang pagdating ng mas maraming doses ng bakuna at ang pagsisimula ng pagbabakuna ng Priority Group A4 at A5 kasabay ng pagbabakuna ng Priority Groups A1, A2, at A3 bilang bahagi ng patuloy na paggamit ng estratehiyang sabayang pagbabakuna para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Sa aming pinakahuling pagpupulong, tinanggap ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang isinaayos na listahan ng Priority Group A4, kung saan ang mga manggagawa sa pribadong sektor na obligadong pisikal na pumunta sa lugar ng kanilang trabaho ay kasama na ngayon sa eligible population for vaccination sa ilalim ng A4 group.

Gayundin, kasama sa isinaayos na listahan ang mga empleyado sa mga ahensya ng gobyerno, mga ahensya na pagmamay-ari ng gobyerno, mga pinamamahalaang korporasyon ng gobyerno, at mga yunit ng lokal na pamahalaan.

Kasama rin ngayon sa ilalim ng Priority Group A4 ang mga manggagawa sa informal sector, mga indibidwal na nagtatrabaho sa sarili nilang negosyo na kailangang magtrabaho sa labas ng kanilang mga tirahan, at mga taong nagtatrabaho sa mga pribadong sambahayan.

Samantala, ang papaalis na OFWs na nakatakdang magbyahe sa loob ng susunod na apat na buwan mula sa inilaan na petsa ng pagbabakuna ay muling ikinategorya sa ilalim ng Priority Group A1. Inaprubahan din ng IATF ang pagsasama ng miyembro ng pamilya ng mga healthcare workers sa ilalim ng Priority Group A1, kung mayroong sapat na suplay ng bakuna.

Kaming miyembro ng IATF ay sumang-ayon din na unang pagtuunan ng pansin ang pagbabakuna ng Priority Group A4 sa mga lugar kung saan may mataas na bilang ng kaso ng COVID-19: ang National Capital Region, Bulacan, Pampanga, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Metro Cebu, at Metro Davao. Ang mga manggagawa mula sa lahat ng iba pang mga lugar ay isusunod sa ikalawang yugto ng pagbabakuna para sa nasabing priority group.

At habang sinisimulan natin ang pagbabakuna ng ating economic frontliner, patuloy nating bibigyan ng prayoridad ang mga kabilang sa pangkat ng A1, A2, at A3. Inatasan ang mga yunit ng pamahalaang lokal na pagsikapan na unahin ang taong kabilang sa unang tatlong pangkat sa pamamagitan ng paglalaan ng mga espesyal na linya o mga sentro ng pagbabakuna upang matiyak na ang mga frontliner ng kalusugan, nakatatanda, at iba pang mga sector na dapat unahin ay patuloy na mabibigyan ng importansya sa ating programa sa pagbabakuna.

Patuloy na binibigyang diin ng mga dalubhasa sa medisina na ang pangunahing layunin
ng pagbabakuna ay maprotektahan ang pinaka-mahina laban sa malubhang sakit at kamatayan. Iyon ang dahilan kung bakit patuloy naming binibigyang diin na mahalagang mabakunahan agad ang mga healthcare frontliner, mga matatanda, at mga taong may mga comorbidity

Sa darating na panahon, dahil naprotektahan natin ang mga mahihina ang resistensya at mas maraming tao ang nababakunahan, matutupad natin ang ating layunin na magkaroon ng herd immunity. Ang pangangalaga sa malaking populasyon ay mangangahulugan na maiiwasan natin ang matinding karamdaman o pagkamatay ng mga nabibilang sa high-risk population at mga kabilang sa mga grupong hindi maaaring bakunahan tulad ng ating mga anak, mga buntis na kababaihan, at mga taong may iba pang kundisyon.

Sa inaasahang pagdating ng mga bakuna sa buwang ito, makapagbibigay ang gobyerno ng proteksyon sa mas maraming mga Pilipino laban sa matinding COVID-19 at posibleng kamatayan. Tinantya ng National Economic and Development Authority na sa pinalawak na listahan ng Priority Group A4, 35.5 milyong mga manggagawa ang mababakunahan.

Hindi ako magsasawang ipaalala sa lahat ang kahalagahan ng pagpapabakuna laban sa COVID-19. Ang mga benepisyo ng pagpapabakuna ay higit sa anumang kinatatakutang peligro na nauugnay sa anumang bakuna. Napatunayan ng mga taong nabakunahan sa iba’t-ibang bahagi ng mundo na ang lahat ng mga bakunang ginagamit ngayon ay ligtas at epektibo sa pag-iwas sa matinding karamdaman at pagkamatay sanhi ng COVID-19.

Maging bahagi tayo ng solusyon. Protektahan natin ang ating sarili, ang ating pamilya, at ang ating mga komunidad. Balik buhay sa bakuna!

Leave A Reply

Your email address will not be published.