Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pagbabakuna ng mga senior citizens

0 56

Nakamit ng Pasig City at Las Pinas City, dalawang lungsod sa National Capital Region (NCR), ang milestones ng pagbabakuna nang mabakunahan nila ng unang dosage ang 100 porsyento ng mga senior citizens sa kanilang lungsod.

Ayon sa ulat noong Hulyo 18, 2021 ng National COVID-19 Vaccination Operations Center at ng Metropolitan Manila Development Authority, nabakunahan na ng Pasig City ng unang dosage ang lahat ng 45,158 na kwalipikadong senior citizens doon. Katulad nito, naibigay na din ang unang dosage ng bakuna sa lahat ng 38,615 na kwalipikadong senior citizens sa Lungsod ng Las Piñas.

Nasa Pasig City ako noong Hulyo 21, 2021 at nasaksihan ko ang pagdiriwang ng 100 porsyentong pagbibigay ng unang dosage ng bakuna sa mga senior citizens ng lungsod. Ang tagumpay na ito ay karapat-dapat bigyan ng pansin dahil maraming LGU sa buong bansa ang umamin na nahihirapan silang bakunahan ang mga senior citizens laban sa COVID-19.

Ang pagbabakuna ng lahat ng senior citizens kahit ng unang dosage pa lamang ay isang mahalagang tagumpay. Binabati ko ang mga pinuno ng Lungsod ng Pasig at Las Piñas sa pagsisikap nilang kumbinsihin at bakunahan ang kanilang senior citizens laban sa COVID-19.

Ipinahayag na ng mga dalubhasa na ang mga matatanda ang pinaka-mahina at namemeligro sa masamang epekto ng COVID-19. Ito ang dahilan kung bakit binibigyang diin ng gobyerno ang kahalagahan ng maayos at malawak na paliwanag tungkol sa bakuna para mahikayat ang mga hindi pa nababakunahan, lalo na ang mga nakatatandang populasyon.

Sa pinaka-huling panayam ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, sa Talk-to-the-People, iniutos niya ang pagbibigay ng mas maraming inpormasyon at paliwanag tungkol sa bakuna para maintindihan ng mga tao ang kahalagahan nito at nang sa gayon magkaroon sila ng kumpyansa dito. Sinabi din niya na para maiwasan ang pagkawala ng buhay dahil sa COVID-10, dapat magpabakuna.

Kumpiyansa sa bakuna ang kailangan natin ngayon para mas marami pang mamamayan ang makumbinsi na magpabakuna, lalo na ngayon na maraming bakuna ang dadating sa bansa.

Ang Chief Implementer ng National Task Force Against COVID-19 (NTF) at Vaccine Czar na si Carlito Galvez Jr ay nag-ulat sa pinakahuling Talk-to-the-People Address ng Pangulo, na batay sa nakalap na data noong Hulyo 17, 2021, ang Pilipinas ay nakatanggap na ng kabuuang 27,922,360 doses ng bakuna.

Tiniyak din ni Kalihim Galvez sa Pangulo na naabot na ng bansa ang ninanais na antas ng stockpile na higit sa 10 milyong doses ng mga bakuna, na sa kasalukuyan ay nasa 12,826,099 doses. Ang kasalukuyang supply ng bakuna na ito ay tatagal ng hanggang 32 araw o hanggang sa August 17.

Samantala, sa kaganapan kahapon sa Pasig, inihayag ng NTF Deputy Chief Implementer at Testing Czar na si Secretary Vince Dizon na naabot na ng Pilipinas ang ika-16 na milyong doses ng bakuna na ibinigay sa buong bansa.

Naniniwala ang gobyerno na dahil mas maraming bakuna ang dumadating at mabilis din ang pag-deploy ng mga LGU ng bakuna, mas madali nating makakamit ang ating tinatarget na proteksyon para sa mga Pilipino.

Muli, ang tagumpay natin sa pagbabakuna ay patunay na unti-unti na nating nasusupil ang COVID-19. Kung tutulong ang lahat sa pamamagitan ng pagpapabakuna, matatapos na ang problema natin sa pandemikong ito.

Leave A Reply

Your email address will not be published.