Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pagbabakuna ng ating economic frontliner

0 57

Noong nakaraang Lunes, Hunyo 7, nakamit natin ang inaasam nating pagtatagumpay ng ating pambansang programa sa pagbabakuna.

Sa araw na iyon opisyal nating sinimulan ang mass vaccination ng Priority Group A4 o ang ating mga economic frontliner sa pamamagitan ng simbolikong pagbabakuna nang halos 50 manggagawa mula sa iba’t ibang sektor ng ekonomiya sa SM Mall of Asia sa Pasay City.

Tulad ng nabanggit ko sa aking talumpati noong ipinagdiwang natin ang importanteng okasyon na iyon, ang pagbabakuna ng ating manggagawa na kabilang sa A4 priority group ay maituturing na tanda ng pagtatagumpay sa ating paglaban sa COVID-19. Ito ay hudyat ng muling pagkabuhay ng ekonomiya ng bansa dahil hinahangad natin na mabakunahan ang humigit-kumulang 35 milyong manggagawa.

Nangangahulugan ito na muli nang mabubuksan ang maraming mga industriya at mapapalawak na ang pinapayagang kapasidad ng iba’t ibang negosyo. Makakabalik na rin sa trabaho ang maraming manggagawa.

Ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit nagpasya ang Inter-Agency Task Force na simplehan at palawakin ang mga kabilang sa A4 priority group para masakop ang lahat ng mga manggagawa na kailangang umalis ng bahay.

Kasama na rin dito ang mga taong nagtatrabaho sa sector na hindi maiiwasan ang pakikipag-ugnayan sa publiko, tulad ng mga inpormal na manggagawa.

Ang desisyon na simulan na ngayon ang pagbabakuna sa A4 priority group ay dahil inaasahan natin na maraming dadating na bakuna sa buwan na ito — mga 10 milyong doses ng bakuna, ayon sa National Task Force Against COVID-19 (NTF).

Binigyan nito ang gobyerno ng kumpiyansa na simulan ang pagbabakuna sa mga manggagawa ng bansa kasabay ng pagbabakuna ng mga kabilang sa A1 hanggang A3 priority groups.

Inihayag din ni NTF Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr., na 30 hanggang 40 mil­yong doses ng bakuna ang dadating sa buwan ng Hunyo hanggang Agosto. Umaasa tayo na magi­ging sapat ang mga bakunang ito para mabakunahan ang mga taong kabilang sa A4 at posibleng pati ang mga kabilang sa A5 priority group.

Sa kanyang mensahe habang isinasagawa ang masigasig na pagbabakuna ng mga manggaga­wang kabilang sa A4 Priority Group, sinabi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na dapat na­ting pasalamatan ang masigasig na pagsisikap ng gobyerno na makakuha ng sapat na doses ng bakuna mula sa iba’t ibang kompanya na bumubuo ng bakuna.

Ipinaalala din ng Pangulo sa publiko na kahit na makakatulong ang pagpapabakuna sa pagsugpo ng pandemya, hindi ito ang tanging solusyon sa problema. Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat na magpatuloy na sundin ang minimum health standards na pagsusuot ng mask, paghuhugas ng kamay at pag-iwas sa malapitangpakikipag-ugnayan habang nasa pampublikong lugar.

Sa pagdating ng mas maraming bakuna sa mga susunod na buwan, matutupad na rin natin ang ating layunin na maproteksiyonan ang mga Pilipino bago matapos ang taong ito. Higit na mahalaga na hangarin nating lahat na maiwasan ang maospital o masawi dahil sa COVID-19.

Leave A Reply

Your email address will not be published.