Una sa Balita

Pagbaba ng bilang ng mahihirap, ‘di makatotohanan

0 359

PINABULAANAN ng dalawang grupo ang pinanga­ngalandakang pagkaunti ng mahihirap sa bansa ng administrasyong Duterte.

Inanunsiyo ng Philippine Statistics Authori­ty (PSA) noong Biyernes na 17.6 milyon na lamang ng Pilipino ang maituturing na mahihirap noong 2018 mula sa 23.5 milyon noong 2015.

“Imoral ang hakbang na para lang banggitin na kumonti ang mahihirap ay ibaba ang poverty thres­hold at ideklarang hindi mahirap ang totoong mahihirap. Napakaraming mga manggagawa at magsasaka na ang nagra-rally dahil sa konikong krisis,” sabi ni Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas national chair Fernando Hicap.

Dagdag pa niya, 2018 nang ipatupad ng admi­nistrasyong Duterte ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na nagpataas sa presyo ng petrolyo at ito rin ang taong sumipa ng mahigit sa P50 ang kilo ng bigas na dinaing ng marami.

“Ang mga burukrata sa gobyerno, ang tataas ng mga pinag-aralan, pero sa desperasyong gumawa ng pantastikong situationer ay nawawalan ng common sense. Sa poverty threshold nila, ang Pilipinong may P80 sa bulsa kada araw ay hindi mahirap,” sabi ni Hicap.

Sabi ng Ibon Foundation, hindi makatotohanan ang mga ginamit na batayan ng PSA dahil ang basehan nito ay ang buwanang kita na P10,727 sa bawat pamilya na may limang miyembro. Ibig sabihin kasi nito, P71 lamang ang kailangang ng bawat isang tao para mabuhay sa isang araw.

Paliwanag ng Ibon Foundation, ang sinumang lumampas sa P10,727 ang kita sa isang buwan ay hindi na ituturing na mahirap ng PSA kaya nito napalabas na kumaunti ang mahihirap.

“These low standards explain the reported fall in the number of poor Filipinos,” sabi ng Ibon Foundation.

Sabi ng Ibon Foundation, malayo sa katotoha­nan ang ginamit na basehan ng PSA dahil ito na rin mismo ang nagsasabing kalahati sa populasyon ng bansa ang naghihirap pagkasyahin ang P132 na kita sa isang araw para sa kanilang mga gastusin.

Dagdag pa nito, lalo lang nitong hindi matutugunan ang pangangailangan ng mahihirap dahil hindi nito kinikilala ang katotohanan. (Eileen Mencias)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy