Una sa Balita

Pagasa sa Department of Disaster Management

By
0 82

Sa malaking bahagi ng Kamaynilaan, karaniwan nang kabuntot nang malakas na pag-ulan ang pagbaha sa mga lansangan.

Sa patuloy na pagsulpot ng mga low pressure area at tropical depression sa paligid ng Phi­lippine Area of Responsibi­lity (PAR), na madalas nagpapasidhi ng hanging habagat na nagbubunsod ng malalakas na pag-ulan, tiyak na patuloy ang kalbaryo ng ating kababayang lulubog at lilitaw mula sa tubig-baha. Malaking tulong ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) sa mga impormasyong kanilang ibinabahagi upang makapag-ingat at manatiling ligtas ang mga mamamayan sa panganib na dulot ng matinding pag-ulan at pagbaha.

Kasalukuyang nasa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST), ang Pagasa ay isa sa mga ahensiya sa ilalim ng Scientific and Technological Services Institutes ng DOST kung saan kabilang din ang Science and Technology Information Institute (STII) at Philvolcs. Layunin ng Pagasa na maging sentro ng kagalingan sa larangan ng mga serbisyo at impormasyong nauukol sa pagtataya ng panahon upang makatulong sa pagbuo ng isang bansang handa at matatag sa mga hamon ng kalamidad at sakuna.

Upang higit na mapabilis ang pagsasakatuparan ng layuning nabanggit, iminumungkahi kong masailalim ang PAGASA sa itatatag na Department of Disaster Management sa mga sumusunod na kadahilanan: (1) Ang mandato ng Pagasa ay higit na nakaayon sa mandato ng Department of Disaster Management. Ang pangangalaga at pagsagip sa buhay at ari-arian ng mamamayan sa panahon ng kala­midad at sakuna ang pangunahing layunin ng dalawang ahensiya ng pamahalaan; (2) Bagamat napabuti ng Pagasa Moder­nization Act of 2015 ang mga sistema at kagamitan sa loob ng ahensiya, ang pagsasailalim sa Pagasa sa Department of Disaster Management ay makatutulong upang higit pang pondo ang mailaan sa nasabing ahensiya upang makabili ng mga mas modernong kagamitan sa pagsubaybay ng lagay ng panahon, makapagpaunlad at makapagpatatag ng kaalaman at kasanayan ng mga empleyado ng ahensiya, makapagbigay ng higit pang insentibo at benepisyo para sa kanilang mga manggagawa, at makapagtatag ng mas marami pang weather station sa ibang bahagi ng bansa; at (3) Ang impormasyong ibinibigay ng Pagasa ay napakahalaga sa pagbuo ng mga disaster management and climate change mitigation plans ng Department of Disaster Management.