Una sa Balita

Pag-upgrade sa Star Tollway patuloy

0 1,724

Kinumpleto ng Star Tollway Corporation (STC) kamakailan ang mga upgrade sa 42 kilometro na Star Tollway na bumabagtas mula Sto. Tomas, Batangas hanggang sa Batangas City.

Ayon sa STC, pinalawak na nito ang Sto. Tomas exit ramp mula isang lane para maging dalawang lane. Ang naturang exit ramp ay kadalasang ginagamit ng mga trak at bus papunta sa Lalawigan ng Quezon at inaasahan na magpapaluwag ng daloy ng trapiko sa naturang lugar.

Ang pagpapalawak ng nasabing exit ay makakatulong rin sa mga bumibisita sa Shrine of Padre Pio sa Sto. Tomas, Batangas.

Kinumpleto na rin ng STC ang refinishing ng tinatawag na ‘shoulder’ ng main alignment ng tollway para sa mga emergency at pinaluwag rin ang Vehicle Inspection Post na matatagpuan sa Batangas City.

Ang STC traffic and safety enforcement team ay nakikipagtulungan sa Land Transportation Office (LTO) para pag-ibayuhin ang vehicle safety inspections para maiwasan ang mga sanhi ng aksidente tulad ng depektibo­ o walang ilaw, overloading at kalbong gulong ng mga sasakyan.

At para maserbisyuhan ang mas nakararaming motorista, palalawigin rin ng STC ang Sto. Tomas exit plaza at ang Lipa entry plaza na nakatakdang tapusin sa second quarter ng taong ito.

Noong 2015, kinumpleto ng STC ang pagpapagawa ng karagdagang 20 kilometro ng northbound lane mula Batangas City hanggang Lipa City at pagsasaayos ng iba pang pasilidad na nagkakahalaga ng P2.3 bilyon. Kasama sa pinagawa ang asphalt overlay ng lahat ng northbound at southbound lanes mula Lipa City hanggang Sto. Tomas, Batangas.

Alerto rin ang STC sa pagmamat­yag sa mga emergency sa pamamagitan ng modernong command center. Mayroong 32 na CCTV cameras sa nakalagay sa iba’t ibang parte ng toll road. Para sa mga motoristang na­ngangailangan ng tulong, maaaring tumawag sa 0917-511STAR (7827).