Una sa Balita

Cayetano nagbabala kay Duterte: ‘Pag nakialam si Sara sira ang bayan

0 1,184

MASISIRA umano ang Pilipinas kapag walang inendorso si Pangulong Rodrigo Duterte na kandidato sa House Speaker.

Ito ang binitiwang babala ni Taguig Representative-elect Alan Peter Cayetano sa pulong niya kay Pangulong Duterte sa Tokyo, Japan noong Mayo 29 ng kasalukuyang taon.

Sa nasabing miting ay dumalo rin ang dalawa pang naghahangad na maging speaker na sina Marinduque Rep. Lord Allan Velasco at incoming Leyte Rep. Martin Romualdez.

Ayon sa mapagkakatiwalaang source, sinabihan umano ni Ca­yetano si Pangulong Duterte na masisira ang bansa kapag wala itong inendorsong kandidato sa speakership race.

Matagal nang sinasabi ni Caye­tano na gusto ng Pangulo na siya ang maging Speaker ng 18th Congress kaya’t nagbitiw itong kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) noong nakaraang taon upang tumakbo sa nakaraang halalan.

Pero itinanggi ni Pangulong Duterte na pinangakuan niya si Ca­yetano, pati na ang ibang kandidatong lumapit din sa kanya.

Ang nasabing pananakot ang isa umano sa pasasabugin ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa mga susunod na araw. Nauna nang binira ni Mayor Duterte si Cayetano dahil sa babala nito na masisira ang Duterte group kapag inendorso sa speakership si Velasco.

Sinikap ng Abante na hingan ng reaksyon si Cayetano subalit hindi ito sumagot.

Samantala, tatlong miyembro ng gabinete naman ang manga­ngasiwa sa seminar-workshop ng mga bagong halal na mambabatas ngayong Hunyo 18.

Ang seminar-workshop na gaganapin sa Quest Hotel sa Clark, Pampanga na inisponsor umano ng kampo ni Cayetano.

Hangad umano ni Cayetano na makuha ang boto ng mga bagitong solons kaya’t ipapakilala ito kina Finance Secretary Carlos Dominguez, Public Works Secretary Mark Villar at Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade para maayos ang mga proyektong ipapasok sa national budget.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy