Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pag-iingat kontra Omicron

0 179

Nahaharap ngayon sa matinding pagsubok ang bansa, partikular sa Metro Manila dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 dulot ng Omicron variant.

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na mayroon ng community transmission ang Omicron sa National Capital Region kaya sa nakalipas na linggo ay sumisirit ang mataas na bilang ng mga bagong kaso kada araw.

Malayong-malayo po ang mga bilang na ito noong huling linggo ng Nobyembre hanggang ikatlong linggo ng Disyembre 2021 na nasa 500 lamang at hindi lumalampas ng isang libong kaso.

Hindi naging maganda ang mga numero sa pagpasok ng Enero para sa mga Pilipino dahil nag-sampung beses ang pagtaas ng mga kaso  ng COVID-19 kada araw kaya naman abalang-abala ngayon ang gobyerno, partikular ang DOH para mapigilan ang mas lalo pang pagkalat ng Omicron variant sa iba pang bahagi ng bansa.

Bagamat sinasabi ng mga eksperto na hindi kasing-bagsik ng Delta variant ang Omicron, mas mabilis naman ang paghawa nito sa mga tao kaya mataas ang mga naitatalang tinamaan ng COVID-19.

Maging ang health workers ay tinamaan ng Omicron variant kahit bakunado na ang mga ito at mayroon na ring booster, pero mild lamang ang sintomas, hindi malala ang mga kundisyon at hindi kailangang ma-ospital.

Hindi rin nakaligtas ang iba’t ibang tanggapan ng gobyerno sa  Omicron variant kaya maraming mga kawani ng pamahalaan ang nagkasakit at hindi nakapasok sa trabaho dahil sa epekto ng virus.

Ipinagpapasalamat na lang po natin dahil marami na ang bakunado kaya hindi malala ang epekto ng Omicron, at kailangan lamang sundin ang tamang proseso ng quarantine at isolation para maka-recover ang mga ito.

Dahil pinangangambahan ang posibilidad na mapuno ang mga hospital, agad kumilos ang DOH at muling inactivate ang temporary treatment and monitoring facility (TTMF) ng local government units para magamit sakaling hindi mapigilan ang pagtaas pa ng mga kaso.

Dinagdagan na din po ng gobyerno ang  kinontratang hotels para maging isolation sakaling kailanganin pa ang dagdag na lugar sa mga magpositibo sa Omicron variant.

Ayon po sa One Hospital Command, itinaas na nila ang bilang ng isolation facilities  para magamit ng health care workers at general public sa tulong ng iba pang mga ahensiya ng gobyerno.

Hindi na po bago ang ganitong sistema dahil naranasan na natin ang ganitong sitwasyon noong Agosto at Setyembre nang manalasa ang Delta variant, at nalagpasan ito ng sambayanan kahit pa mas mabagsik ito kaysa Omicron variant.

Mahigpit pong binabantayan ngayon ng  mga eksperto at ng DOH ang health care utilization rate dahil kapag umabot ito sa 71% ay hindi na maiwasang magtaas ng Alert Level Status na mangangahulugan ng mas paghihigpit na galaw ng mga tao at malilimitahan ang mga bubuksang negosyo.

Pero dahil karamihan sa mga  tinatamaan ngayon ng COVID-19 ay hindi malala ang sintomas, pinapayuhan ang mga ito na mag-home quarantine kung mayroon silang sariling kuwarto at comfort room hanggang sa tuluyang gumaling.

Kahalintulad lamang ng  sintomas ng trangkaso ang epekto ng Omicron sa mga bakuando  –lagnat, sipon at ubo na kayang malunasan ng mga over-the -counter drugs, subalit para mga hindi bakunado ay malala ang tama at kailangang i-admit sa mga pagamutan.

Batay sa datos, mayorya sa mga pasyenteng may COVID na kritikal o malala ang kundisyon sa mga ospital ay hindi mga bakunado kaya paulit-ulit ang panawagan ng gobyerno sa mga hindi pa nabakunahan na magpaturok na ng COVID-vaccine.

Mahigpit din po ang paalala na mag-ingat dahil sa mabilis na pagkalat ng Omicron variant, at kung  wala namang  importanteng gagawin sa labas ay manatili na lamang muna sa mga tahanan.

Huwag na po nating hintayin na umakyat pa sa Alert Level 4 ang sitwasyon sa Metro Manila at sa iba pang panig ng bansa dahil panibagong kalbaryo ang siguradong haharapin ng sambayanan.

Malaking bagay po ang bakuna para may proteksiyon sa COVID-19 kaya nananawagan po ako sa mga hindi pa nagpabakuna na magpa-schedule at magpunta sa vaccination centers  sa takdang araw para sa COVID vaccine.

Binuksan na po ang walk-ins sa mga nais magpabakuna para mas marami pang Pilipino ang magkaroon ng proteksiyon laban sa COVID-19 at sabay-sabay po nating harapin at lagpasan ang pagsubok na hatid ng Omicron variant. Laban lang po tayo!

Leave A Reply

Your email address will not be published.