Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pag-ibig sa gitna ng pandemya

0 200

Sa hirap ng buhay dahil sa COVID-19, marami sa ating mga kababayan ang nagdadalawang-isip magpakasal dahil sa takot sa haharaping gastos.

Lalo itong malaking suliranin kapag nawalan ng trabaho ang lalaki na karaniwang tagapag-taguyod ng pamilya.

Mismong ang Department of Labor and Employment (DOLE) ang nagsabing umaabot na sa limang milyong Pinoy ang walang trabaho ngayon. Hindi pa kasama dito ang tatlong milyong manggagawa na pansamantalang tinanggal sa trabaho at pinangakuang muling tatanggapin pag gumanda ang takbo ng negosyo. Apat na milyong obrero na rin ang isinailalim sa flexible working arrangement.

Kung may trabaho man, hirap namang makaipon ang ating mga kababayan upang handugan ng maayos at disenteng kasal ang kanilang minamahal. Sa kulturang Pinoy kasi, mahalagang bahagi ng buhay ang sakramento ng pag-iisang dibdib dahil minsan lang itong mangyari sa buhay.

Nakaabot sa aking tanggapan ang ganitong hinaing. Dahil dito, agad umaksyon ang inyong lingkod at ang Ako Bicol Party-list upang matuloy ang pag-iisang dibdib ng ilan nating kababayan. Masusi po natin itong pinaghandaan kaya’t ang maramihang kasal ay isinagawa nitong nakaraang Pebrero na kilalang buwan ng pag-ibig.

Noong Pebrero 27, labing-siyam na magsing-irog ang sabay-sabay na ikinasal sa isang mass wedding na ginanap sa Embarcadero de Legazpi sa Legazpi City, Albay. Ang proyektong ito ay handog ng AKB at ang laging maaasahan nating partner na Aksyon Co Center. Ngunit bago naganap ang kasalan, naghandog muna ng libreng binyag at kumpil ang AKB at Aksyon Co Center para sa mga magkasintahan noong Pebrero 15, 2021. Bahagi po ito ng requirement para sila ay maikasal.

Sabay-sabay na nagsabi ng “I do” at nangakong na magsasama “sa hirap at ginhawa” ang labing-siyam na magkapares. Bakas sa kanilang mukha ang labis na kasiyahan dahil natupad na rin ang kanilang pangarap na magpakasal sa kabila ng pandemya. Tunay nga ang kasabihan na ang pagmamahalan ay ‘di mapipigilan ng pandemya o maging digmaan.

Napakasarap sa pakiramdam na makita ang ngiti ng mga bagong kasal dahil naging bahagi ang inyong lingkod sa isa sa pinakamalahagang kaganapan sa kanilang buhay . At upang makatulong sa pagsisimula ng kanilang pamilya, nagbigay po tayo ng munting regalo. Malugod na tinanggap ng mga magkakapareha ang dalawang sakong bigas, P15,000 livelihood fund at personal na regalo mula sa inyong lingkod at sa kasamahan ko sa Ako Bicol Party-list na si Congressman Alfredo A. Garbin, Jr. Dumalo rin sa kasal sina BM Jesciel Richard Salceda at Mr. Luis Gutierrez bilang kinatawan ni Governor Al Francis Bichara. Nagpapasalamat din po ako sa iba pang bisita na sumaksi sa mass wedding.

Hangad at dalangin ng Ako Bicol at Aksyon Co na maging matibay, masaya at masagana ang pagsasama ng mga bagong kasal.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.