Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pag-ibig ang pabaon

0 100

Ilang araw na lamang ang nalalabi at matatapos na ang termino ng Duterte Administration, pati na rin ang mga senador na nakabuo ng anim na taon sa kanilang serbisyo publiko at kasama na nga diyan ang aking idolong si Ping Lacson na nagpasyang bumalik na muna sa kanilang tahanan matapos isabak sa mga botante ang kanyang mga kongkretong plano para sa bayan.

Malaki ang epekto ng mga pangyayaring ito hindi lamang sa mga direktang kumandidato kundi pati na sa mga tumulong sa kanila, lalo na ang mga personal na sumama sa yugto ng pangangampanya kumpara sa mga nanatili lamang sa kanilang mga lugar at tumingin sa mga laptops at computer.

Sa buong panahon ng kampanya, magkahalong tuwa at pagkalungkot ang aking naramdaman; tuwa dahil bukod sa nakatulong ako ay marami akong natutunan kumpara sa kung ako ay nagmukmok na lang sa bahay at umasa ng impormasyon mula sa internet at lungkot dahil sa napakarami pa talagang botante ang hindi handang tumanggap sa serbisyo ng nag aalok na seryosong maging lider nila.

At dahil nga sa mga pagbabagong darating, medyo mabigat man sa aking kalooban ay kailangan ko na pong sabihin sa inyo na nalalapit na ang aking pagpaalalam sa pitak na ito na medyo may katagalan din na ipinagkatiwala sa akin ni Abente President Boss Rey Marfil at General Manager Gil Cabacungan na parehong napakabusilak ng kalooban sa halos lahat ng aspeto ng buhay at kabuhayan.

Aaminin ko din po sa inyo na hindi ako ang orihinal na may-ari ng pitak na ito ang ang naging papel ko ay pansamantala lamang habang ang lehitimong may karapatan sa espasyong ginagamit ko ay naghihintay lamang ng tamang pagkakataon.

Sa mga darating na araw ay mag-uumpisa na po siyang maglahad ng kanyang mga nalalaman at diskarte sa halos lahat ng aspeto ng ating araw-araw na pakikibaka, mula sa pambigas hanggang sa pormahan at galawan.

Pero gayunpaman, kung magkaroon man ng pagbabago sa mga mailalathala dito ay sigurado akong para pa rin ang mga ito sa inyong kapakanan, hindi pa rin mawawala ang mga impormasyong gaya ng aking ibinabahagi sa inyo mapapolitika man o ibang bagay.

Hindi ko na po babanggitin ang kanyang pangalan dahil alam kung may sarili siyang diskarte kung paano niya ipapakilala kanyang sarili sa inyo.

At sa mga nagtatanong kung bakit nakatalikod pa larawan na ginagamit ko dito sa aking pitak, sinadya ko pong ganyanin yan gaya ng drayber ng van na nasa unahan at siyang magtatakda ng mga direksiyon na inyong gustong tahakin.

Hindi naman madalas na ang drayber ang nasusunod dahil sa mas maraming pagkakataon ay sumusunod siya sa kung ano mang nais na tunguhin ng kanyang mga pasahero.

At sa pagdating ng araw na magkakahiwalay tayo dahil kailangan ko nang gumarahe o dumating na kayo sa inyong destinasyo, pakakatandaan po ninyo na pag-ibig ang pabaon ko sa inyo.

Ayos ba?

Leave A Reply

Your email address will not be published.