Una sa Balita

‘Pag huli na ang lahat

0 336

Habang nagka­kagulo ang mga tao sa kaguluhan sa SEA Games, halos ‘di napapansin ang paparating na malakas na bagyong si ‘Tisoy’.

Sa ganitong panahon dumadating ang mga huling hagupit ng kalikasan sa bansa. Kung kaya pinaaalalahanan ang mga tao na maghanda sa maaaring dulot nitong pinsala.

Ang mga tulad nina Mang Tino, isang maglalako ng gulay, ang laging nangangamba sa malalakas na bagyo dahil sa vulnerable nilang kalagayan. Hindi gaanong matibay ang kanilang sinisilungan at may pagbabanta ng mataas na pagbaha ng tubig sa kanilang lugar.

Kung kaya ang iba’t ibang organisasyon ay kumikilos para manawagan sa pamahalaan na gumawa ng mga hakbang para pigilan ang patuloy na paglala ng panahon dulot ng pagbabago ng klima.

Ang Asian People’s Movement for Debt and Development o APMDD, ay nanguna noong Sabado sa isang climate strike. Ito’y pagkilos na sabay-sabay na naganap sa buong mundo, na may panawagan na climate emergency. Ang agarang pagtigil sa paggamit ng coal o mga fossil fuel na nagdudulot ng pag-init sa mundo na nagdudulot ng matitin­ding pagbagyo, maging ang mabilis na pagtaas ng tubig sa mga karagatan.

Naniniwala ako na kung nais natin na ang mga bata ngayon ay mayroon pang daratnan na ligtas na kinabukasan, kailangan nang harapin ngayon ang problemang ito.

Ang mga solusyon sa paggamit ng rene­wable energies ang tanging paraan lamang para mapigilan ang nagbabantang pagbabago ng klima.

“Kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos!” “Kung hindi ngayon, kailan pa?” ‘Pag huli na ang lahat?

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy