Una sa Balita

Pag-atras ng ‘Pinas basketball sa Asiad, dismayado ang lahat!

By
0 555

SA loob ng tatlong araw, muling naging national coach si Yeng Guiao. Pero ang siste, hindi man lang siya nakapag-practice maski isang araw. At hindi rin niya nakausap maski sino sa mga manlalaro na sana ay makakasama niya sa Indonesia Asian Games sa susunod na buwan.

Natawa na lang si Yeng sa nangyari. Sa isang interview, ganito ang sinabi niya: “And I thanked them for the three days that I became a national coach again, even if I didn’t even get to meet the team.”

Ang pinasalamatan niya ay walang iba kundi si SBP president Al Panlilio, SBP executive director Sonny Barrios, national coach Chot Reyes, at si Rain or Shine coach Caloy Garcia. Ang sabi ni Yeng, consensus ang nangya­ring desisyon na huwag na lang sumali ang Pilipinas sa basketball sa Asian Games.

Pero marami ang hindi natawa at natuwa sa nangyaring ginawa ng SBP o ang Samahang Basketbol ng Pilipinas.

Pagkatapos ng isang press conference noong Huwebes kung saan inihayag ng PBA na ang koponan ng Rain or Shine ang magdadala ng bandila ng bansa sa Asian Games, at matapos kumpirmahin ng liga na si Yeng ang magiging coach ng koponan, nagpulong sina Panlilio, Barrios, Reyes, Garcia, kasama si Yeng, at ang naging desisyon, huwag na lang magpadala ng koponan sa Asian Games.

Pagkatapos ng nasabing miting, nagpadala ng tatlong paragraph statement ang SBP sa mga media outlet. Halos alas-dose na ng gabi nang ipadala ang nasabing press release.

Ang sabi ng marami sa PBA board, hindi sila kinonsulta sa nasabing desisyon. At marami sa kanila ang hindi natuwa dahil nga ilang oras lang matapos ang press conference noong Huwebes ay biglang nagbago ang ihip ng hangin na ikinagulat ng lahat.

Ang concern ng PBA ay ang sasabihin ng madlang tao, na baka isipin ng mga tao na ang PBA ang dahilan kung bakit hindi na tayo sasali sa basketball sa Asian Games.

Sa isang press conference bago ang Game 1 ng Commissioner’s Cup finals noong Biyernes, sinabi ng isang governor na handa na nga silang lahat na magpunta sa Indonesia para suportahan ang team. Pero naunsiyami ang plano dahil nga sa desisyon ng SBP.

Ang sabi pa ng isang governor, mas maganda sana kung nakonsulta ang buong PBA board bago nag-desisyon ang SBP.

Ang gusto siyempre ng SBP ay mag-move on na tayong lahat at paghandaan na lang ang susunod na FIBA qualifier. Pero hindi matatapos ang lahat ng mga tanong na walang malinaw na kasagutan. Pero pasasaan ba’t malalaman ding nating lahat ang puno’t dulo ng mga pangyayari.