Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pag-asa

0 99

Gaya ng marami sa inyo, nahihirapan akong hanapan ng salita ang mga tanong at pakiramdam ko ngayon. Kaya hayaan nyo munang ibahagi ko sa inyo ang mensahe ni Leni sa thanksgiving rally kasama ng libu-libong kabahagi ng napakalawak at napakamakasaysayang people’s campaign natin.

Okey lang na sumigaw. Okey lang ding tumingin sa sahig at tumahimik. Okey lang ding umiyak. Pero gusto kong babaran natin ang nararamdaman natin ngayon. Damhin ang tibok ng sariling puso. Ipaalala natin sa ating sarili na talagang ganitong magmahal.

‘Yung nararamdaman natin ngayon, marahil may halong takot, may halong pangamba. Madaling magbagong-anyo at maging galit ang mga damdaming ito. Ang tungkulin natin ngayon, habang kinikilala ang kalayaan ng isa’t isang damhin ang nadarama nila, ipaalala din natin: May kabutihang umusbong sa loob ng bawat isa sa atin. Agree ba kayo doon? At kung may nararamdaman tayong galit, nag-uugat ito sa pag-ibig.

Pinagdaanan natin ‘yung mga nakaraang buwan– nakinig tayo, nakiusap, tumulong, nagbukas ng loob, hindi lang para makakuha ng boto, pero para bigyang-halaga ang bawat Pilipino. Kahit sino pa ang sinusuportahan nila. Kahit sino pa ang ibinoto nila.

Kaya ano man ang kilos natin sa mga darating na panahon, kailangang ilagay natin ito sa tama. Siguruhin nating ligtas, mapayapa, at iniintindi ang kapakanan ng kapwa. Uulitin ko ‘yung sinabi ko noong isang gabi: Hindi puwede na tayo pa ang maging dahilan ng lalong pagkawatak-watak ng ating bansa.

…Kailangang tanggapin natin ang pasya ng mayorya. Nakikiusap ako sa inyong makiisa sa akin dito. Kilalanin at pagsisikapan natin na hindi mapunta sa wala ang lahat ng naabot natin– sabay ng pagrespeto sa tinig ng nakararami.

Ang totoo, hindi lang sa araw ng halalan matunton ang mga maling mga pangyayari. Hindi lang sa mga nasirang vote counting machine, o sa mga naulat na bilihan ng boto. Ang pinakamalaking kalaban, namamayagpag na bago pa ng panahon ng kampanya.

Dahil dekadang pinroyekto, matindi at malawak ang makinaryang kayang magpalaganap ng galit at kasinungalingan. Ninakaw nito ang katotohanan, kaya ninakaw din ang kasaysayan, pati na ang kinabukasan. Disimpormasyon ang isa sa pinakamalaki nating kalaban.

Sa ngayon, maaaring naghari ang makinarya ng kasinungalingan. Pero tayo lang ang makakasagot kung hanggang kailan ito maghahari. Nasa sa atin kung tapos na ang laban o kung nagsisimula pa lamang ito.

Alam kong marami pa tayong lakas na ibubuhos… Itutuon ko ang enerhiya ko sa paglaban ng kasinungalingan– at hinihiling kong samahan ninyo ako dito. Kailangan nating maging isang kilusang magtatanggol ng katotohanan. Kailangan nating imulat ang mga nakakausap kung paano pinapalaganap ang kasinungalingan, kung bakit ito pinapaniwalaan, at kung sino ang nasa likod nito.

Karugtong nito ang ating paninindigan: Hinding-hindi dapat pumanaw ang diwa ng ating kampanya. Ang pinakalayunin ng gobyernong tapat ay ang pag-angat ng buhay ng lahat.

Ito ngayon ang hamon sa atin: Ang panatilihing magkakarugtong ang ating mga bisig; ang humakbang nang magkakasama, gaya nang ginawa natin nitong mga nakaraang buwan; ang palawakin pa ang ating hanay. Sa ganitong paraan lang maisusulong ang mga layuning nagbigkis sa atin: Isang bansang makatao, makatotohanan, at makatarungan, kung saan may pananagutan ang pamahalaan, at walang naiiwan sa laylayan.

Alam kong napakarami pang nagluluksa, napakaraming nalulungkot. Nakarating din sa akin ang mga ulat: Maraming nagpadala ng videos, maraming nagpadala ng pictures ng mga kabataang parang binabalot ng kadiliman ang puso at isipan. Totoo naman ang nararamdaman ninyo. At mahalagang maramdaman ninyo ito.

Pero ang natutuhan ko sa ganitong mga panahon na mahihirap: Ang paghilom, hindi darating habang nagkukulong o nagmumukmok. Darating ang paghilom kapag sinimulan na muling ituon ang sarili sa ating kapwa. Kapag inilatag ang mga layunin. Kapag itinutok ang mata sa abot-tanaw.

Kaya payagan ang sariling lumuha. Pero pag handa nang pahiran ang luha. Pagpagin ang sarili. Tibayan ang puso. Dahil may trabaho pa tayo.

…Tuloy ang pag-asa. May liwanag pa rin. Sa halalang ito, hindi naman nawala ang liwanag na ‘yun. Ang totoo, lalo pa itong tumindi, lalo pang lumawak. Tatandaan niyo lang, noong October 2021 nagsimula tayo sa eight percent ako. Sa loob lang ng ilang buwan ng pagtatrabaho, umabot tayo ng twenty-eight percent. Gaano kalayo pa kaya ang mararating natin kung hindi tayo bibitaw? Kung gagamitin natin ang mga susunod na araw at buwan at taon para isulong ang Pilipinas na pinapangarap natin?

Uulitin ko po: Walang nasayang. Hindi tayo nabigo. Masasayang lang ang ating pinagsikapan kung titigil tayo at babalik sa dating kalakaran. Gaya ng sabi ko: ang namulat, hindi na muling mapipikit.

Kaya tingnan ang inyong katabi. Yakapin sila kahit hindi sila kakilala. Hindi pagtatapos ang araw na ito, kundi tanda ng pagsisimula ng bagong kabanata– at tayo ang magkakasamang susulat nito. Tinanglawan natin ang landas ng isa’t isa; diretso lang tayo para mas marami pang matanglawan na iba.

Kaya tara na. Ituloy na natin ang laban para sa Pilipinas na ating mga pangarap.

Leave A Reply

Your email address will not be published.