Una sa Balita

Pag-asa sa kabila ng mga krisis

0 110

Iba’t ibang isyu ang laman ng ating mga balita ngayon: Mula sa mataas na inflation na naitala nitong buwan ng Agosto, hanggang sa lumalalang krisis ngayon ng suplay ng bigas, pati na ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga panguna­hing bilihin sa merkado. Sa mga ganitong panahon, naiisip natin ang kalagayan ng mga kababayan nating hirap na noon pa man na pagkasyahin ang kakarampot na budget para sa pamilya.

Nitong nakaraang linggo, pinaigting rin ni VP Leni Robredo ang pa­nawagan niya sa kasalukuyang administrasyon na pakinggan ang daing ng mga Filipino, at hanapan ng solusyon sa lalong madaling panahon ang mga problemang ito. Aniya, “Bilang mga opisyal ng pamahalaan at hinalal ng taumbayan, obligasyon po namin maghain ng mga panukala na maiibsan ang hirap ng ating mga mamamayan.” 

Ang Tanggapan ng Pangalawang Pangulo, gaano man kalimitado ang mandato nito, ay sinisikap na dinggin ang hinaing ng ating mga kababayan at abutin ang mga ito, lalo na iyong mga nasa laylayan ng ating lipunan. 

Halimbawa, nitong Miyerkoles lang, muling dumalaw si VP Leni sa Zamboanga, at nakiisa sa isang Kumustahang Bayan kasama ang mga tindera ng Zamboanga Old Public Market. Ang takot ng ilan sa kanila, hindi na sila makakain ng tatlong beses sa isang araw. Minsan, cassava o kamoteng kahoy na lang ang pinapalit nila sa kanin, dahil hindi na nila kayang bilhin ang napakamahal na bigas sa palengke. 

Kamakailan lang ay sinailalim sa state of calamity ang Zamboanga dahil sa kakulangan nito ng suplay ng bigas. Ang presyo ng pinakamurang bigas, nasa P65 hanggang P70 na kada kilo, na lalong nagiging mahal sa mga maliliit at malala­yong baryo.

Ang mabuting balita, ngayon, mayroon nang kaunting NFA rice sa merkado na nasa P32 kada kilo. Umaasa tayong magtutuloy-tuloy na ang suplay nito sa mga susunod na linggo, at bababa na rin ng presyo ng commercial rice. 

Related Posts

Umaasa rin tayo na magiging mas listo at epektibo ang mga opisyal ng National Food Authority sa paghahanap ng solusyon sa krisis na ito. Ang kailangan ng taumbayan natin ngayon ay isang gobyernong maaasahan at makakasuporta sa kanilang mga pangangailangan, kabilang na dito ang pagkain sa araw-araw. 

Kasabay ng pagsisi­gurong may pagkain sa hapag ang bawat pamil­yang Filipino, ay ang pagtiyak rin na nagbubukas tayo ng mga oportunidad para sa disente at maayos na hanapbuhay. 

Sa katunayan, nitong nakalipas na taon, sinikap ni VP Leni na magpokus sa trabaho at hanapbuhay para sa mga Angat Buhay projects ng OVP. Sa aming paniniwala, sa kabuhayan nakadepende ang lahat ng pangunahing panga­ngailangan ng ating mga kababayan: kailangan kumita ng ordinaryong Filipino para sa pagkain ng kanyang pamilya, para sa edukasyon ng anak, para sa magandang kalusugan, at para sa maayos na tirahan. Kaya naman ito ang tinutukan natin nitong nakalipas na mga buwan. 

Isa rin sa mga dahilan ng pagbisita ni VP Leni sa Zamboanga ay ang pagsasagawa ng isang Angat Buhay Workshop for Aspiring Women Entrepreneurs para sa mga kababaihan nating negosyante. Naniniwala ang OVP na kailangan ma­bigyan ng pagkakataon ang lahat, lalong-lalo na ang ating kababaihan, na matuto at mapahusay ang kanilang mga kakayahan. Sa workshop na ito, binigyan ng P10,000 kapital ang mga kababaihan upang makapagsimula ng sarili nilang negosyo. Umaasa kami na sa susunod nating pagbisita, napalago na ng ating mga nanay ang kanilang kita. 

Tulad ng sabi ni VP Leni, walang lugar ang pamumulitika sa panahon ngayon na nahaharap tayo sa napakara­ming mga krisis. Sa halip, ibuhos na lamang sana natin ang ating pagod at panahon sa mga inisyatiba at programang mag-aangat ng estado ng buhay ng ating mga kababayan.
Nahaharap man tayo ngayon sa napakaraming pagsubok bilang bayan, sa ating pagkakaisa, naniniwala tayo na kayang-kaya natin itong lagpasan. 

***

Si Georgina Hernandez ang tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo. Siya rin ang namumuno sa Angat Buhay program ni VP Leni. Layunin nitong tulungan ang pinakamahihirap na komunidad sa ating bansa sa pakikipag-partner sa mga pribadong kompanya at iba pang volunteer groups. Mag-email sa kanya sa angatbuhay@gmail.com o mag-text sa 0916-7050273.