Una sa Balita

Pag-asa para sa bayan ngayong Pasko

0 272

By Georgina Hernandez

Ilang tulog na lang at narito na naman ang Pasko. Salo-salo na naman ang mga pamil­ya sa noche buena na pinaghandaan at kinabukasan, tuloy pa rin ang kainan.

Sa kabila ng pagdiriwang, batid namin dito sa Office of the Vice President (OVP) at ni VP Leni Robredo na hindi lahat ng ating mga kababa­yan ay may kakaya­hang makapagdiwang ng Kapaskuhan na may laman ang hapag-kainan. Ang iba, ni hindi makumpleto ang pamilya.

Kaya’t bago pa man tayo magbakasyon para makasama ang ating mga mahal sa buhay, inuna na namin ang mga mas nangangailangan ng kahit kaunting good vibes at pagpapaalalang laging may pag-asa.

Noong isang linggo, dumalaw si VP Leni sa Phi­lippine Children’s Medical Center (PCMC) para magdala ng kaun­ting kasiyahan sa mga batang pasyente. Sa pakikipatulungan ng PCMC-Pediatric Dentistry Division (PDD), nagkaroon ng isang Safari Christmas party ang mga bata.

May mga munting pamasko na dala si VP Leni, at nagkaroon ng isang salo-salo kasama ang mga magulang ng mga pasyente pati medical staff ng ospital. May program din kung saan may kaunting palaro at mga performance para makapagbigay saya sa mga bata.

Hindi biro ang pasa­nin ng mga pasyente ng PCMC. Mayroong pas­yenteng may mga cerebral palsy, down syndrome, autism, cancer at iba pang nakapanlulumong sakit. Ang iba rin doon, napakatagal nang naka-confine kaya ubos-ubos ang resources ng mga magulang pampagamot.

Kaya hindi pinalampas ni VP Leni na pasa­lamatan ang mga magulang na buong-buo ang pag-aalaga sa kanilang mga anak.

“Saludo ako sa inyong lahat,” sabi ni VP Leni. “Nakikita ko po iyong dedikasyon na ibinubuhos niyo para sa inyong mga anak at [kayo] po ang tunay na mga bayani. Siguro po kung wala kayo, wala din pong maaasahan, hindi lang iyong ating mga anak, pero iyong ating mga kababayan na maraming panga­ngailangan na pinagdadaanan. Iyong sa amin po sa maliit na puwede naming naitutulong o maitulong, sana po kahit papaano, nakakagaan sa dala-dala ninyo. Nandito lamang po kami.”

Hindi lang sa mga kabataan nakatutok sa pagdala ng galak ang OVP. Dumalaw din si VP Leni noong Lunes sa Camp Elias, para bisitahin ang 9th Infantry Division at mamahagi ng mga kagamitan bilang pasasalamat sa kanilang serbisyo sa bayan.

Ito rin ay para ipaalala na patuloy ang suporta natin sa ating mga sun­dalong walang humpay na inaalay ang sarili para proteksyunan ang ating mga mamamayan at ang ating mahal na bayan.

Sa araw ding iyon, mu­ling bumalik si VP Leni sa Missionaries of the Poor para sa isa pang gift gi­ving activity. Maliban sa mga bata na may special needs, nakapagbigay-saya din tayo ngayong Pasko sa mga senior citizen na nandoon.
Maaalala ninyong noong isang taon, naikuwento ko ang pagdalaw namin sa kanila para magdala ng mga wheelchair at pagkain. Naaalala ko tuloy ang pakiramdam nang makita ang mga ngiti ng mga residente doon. Nasa akin pa nga hanggang ngayon ang mumunting friendship bracelet na bigay ng isang special child.

At nito namang Miyerkoles, isang simpleng Christmas party ang isinagawa para sa mga pamilyang naiwan ng mga extrajudicial killing (EJK) victim.

Silang patuloy na nakikipaglaban para makamit ang hustiya ang isa pang tinutulungan natin. Ang mga kasapi ng PagHILOM – Healing Intervention Leading to Optimum Management of Rehabilitation of Significant Others of EJK Victims ang mga bisita sa Christmas party. Layunin ng selebrasyon na ito ang ipaalala na patuloy ang ating pakikiramay at suporta sa pinagdadaanan ng kanilang mga pamilya.

Sa darating na Pasko, sa kabila ng lahat ng mga biyayang ating natanggap, sana’y huwag nating kalimutan na tayo mismo ay maa­ring maging biyaya sa iba.

May mga kababayan tayong matindi ang pa­ngangailangang hindi materyal—minsan suporta lang at pagpapaalala na mayroong handang tumulong sa kanila, nakakapagpaalala na sa kanila ng tunay na diwa ng Pasko.
Isang maligayang Pasko po sa inyong lahat!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy