Una sa Balita

Pag-asa ng pagbangon sa Brgy. San Dionisio, Parañaque

By
0 1,216

Alam na natin ang kuwento ng Angat Buhay na pinamumunuan ni VP Leni Robredo at kung paano sa pamamagitan nito nagkakaroon tayo ng pagkakataong baguhin ng ating mga kababayan ang kanilang kinabukasan.

Kagaya ng mga kuwento ko dati, mayroon pang isang proyekto ang Office of the Vice President na nakatuon naman sa mga kababayan nating nandito lang sa Metro Manila.

Nasa pangwalo na tayong Metro Laylayan visit at natapos ang buwan ng Pebrero sa pagbisita natin sa Brgy. San Dionisio, Parañaque City.

Nitong nakaraang linggo, nagtungo si VP Leni sa pangalawa sa pinakamalaking barangay sa D1 ng Parañaque.

Sa pakikipagtulungan ng Office of the Ma­yor, nakapag-abot tayo ng tulong sa ating mga kababayan doon sa pamamagitan ng health services, feeding program, at kaunting kasiyahan para sa mga gustong magbalik-alindog (Zumba!).

Pero hindi lang doon nagtatapos ang kuwento. Noong araw ding iyon, binista rin namin ni VP Leni si nanay Jane Antipuesto at nanay Jean Baal para malaman ang kalagayan ng kanilang pamilya at kung ano pang tulong ang maaring dalhin sa kanila.

Sa pamilya ni nanay Jane, nagtutulungan ang mag-asawang itaguyod ang kanilang pamilya.
Nagbebenta ng bopis si tatay, at si nanay Jane ay tumatanggap ng labada paminsan para makatulong mapagtapos ang tatlo nilang nag-aaral na mga anak.

Dahil salat sa buhay, iginagapang ng mag-asawa ang pangkain, pampasok, renta sa bahay, at iba pang pang-araw-araw na gastusin ng pamilya. Pero kulang na kulang ito lalo pa’t pangarap ng mag-asawa na mapagtapos ang tatlong anak na honor students.

Halos ganito rin ang problema ng pamilya ni nanay Jean Baal, na may anim na anak.

Si tatay Rodel ay nagtatrabaho sa isang junk shop at solo niyang binubuhay ang kanilang pamilya dahil hindi na maaaring makapagtrabaho si nanay Jean. Ilang ulit nang tinamaan ng stroke si nanay Jean kaya’t hindi na siya makapagtrabaho para sa pamilya.

Kahirapan ang puno’t dulo ng problema ng dalawang pamilya – ka­tulad ng marami sa ating kababayan sa loob at labas ng Metro Manila. Pero tulad ng laging sinasabi ni VP Leni, laging may pag-asa para magbago.

Noong araw ding iyon, kasama ang partners na Philippine Association of Pharmacists in the Pharmaceutical Industry, Democratic Alliance Movement of the Phi­lippines – International Riparo, at Alitaptap, nakapagbahagi kami ng hindi lang tulong, pero pag-asa sa mga pamil­yang ito.

Maliban sa mga grocery bags, hygiene kits, at sako ng bigas na dala namin para sa mga pamilya, mahalaga ring maipakita naming hindi lang panandalian ang tulong na nais naming maibahagi.

Nagbigay din kami ng seed fund na maari nilang gawing kapital para sa maliit na negosyong makakatulong sa buong pamilya.

Mas mahalagang matulungan natin sila sa pamamagitan ng pagturo sa kanila kung paano nila mismo matutulu­ngan ang kanilang sarili. Sa pamamagitan nito, magkakaroon sila ng pag-asang makabangon at baka sakaling sa susunod, sila naman ang kasama nating tutulong sa iba pa nating mga kababayan.