Una sa Balita

Pag-asa, hindi takot ang dapat mangibabaw!

By ,
0 292

Ipinagdiriwang nga­yong araw ang ikalawang ‘World Day of the Poor’ sa kasaysayan na inilunsad ni Pope Francis noong 2016. Sa kanyang Apostolic Letter, ‘Misericordia et Misera’ iniutos ng Papa ang taon-taong paggunita sa nasabing araw upang magbigay pag-asa sa mga dukha at sawimpalad.

Akmang-akma ang mensahe ng Mabuting Balita (Mc 13:24-32) ngayong ika-33 Linggo sa karaniwang panahon sa ginugunitang Araw ng Mahihirap dahil sa mesahe at paanyaya nito sa tanan na mamuhay na puno ng pag-asa, walang takot sa puso at buo ang tiwala sa mga salita at pangako ng Diyos.

Sa Ebanghel­yo, maririnig si Hesus na nagsasalita tungkol sa ‘kaganapan ng panahon’ o katapusan ng mundo. Sadyang nakakatakot ang paglala­rawan ng Panginoon sa mga huling araw, gayunman, nangako si Kristo na kasama natin siya hanggang sa wakas kung kailan siguradong magwawagi ang kabutihan!

Sa ating panahon, maraming sekta ang nagbibigay babala ukol anila’y nakaamba nang parusa ng la­ngit sa sangkatauhan. Totoong nakakapangilabot ang palagay ng mga modernong ‘pro­peta’ kung paano magwawakas ang daigdig at kadalasan ay nag-uudyok ng takot, ligalig at pagkabala sa dibdib.

Related Posts

Gayunpaman, giit ng Simbahan, pag-asa ang dapat maghari sa ating kalooban. Maaari naman daw pakinggan ang warning ng mga ‘doomsayer’ ngunit hindi dapat mangiba­baw ang takot sa ating puso kundi tiwala sa awa at habag ng Poon at matibay na desisyon na baguhin ang sarili.

Sa kaibuturan ng ating puso, nananalig tayo na hindi kailanman magtatagumpay ang kasamaan. Ang kabutihan na ating ipunla ay siguradong magbubunga ng kabutihan pagdating ng araw, hindi man sa ating panahon. Maging ang ating kinabukasan ay dapat isuko na rin natin kay Lord. Ani Papa Francisco, hindi mainam na papikit na umasa na lang tayo sa mga mang­huhula o horoscope dahil ang Panginoong HesuKristo aniya ay hindi lamang ‘destinasyon’ ng ating peregrinasyon kundi ating palagiang kasama at patnubay sa paglalakbay.

Lahat ng bagay sa mundo ay may hangga­nan, katulad ng saad ni Hesus ani Lolo Kiko at dapat lang na naka-pokus tayo palagi sa ‘ngayon’ dahil sa pabago-bagong sitwasyon ng buhay, ta­nging ang mga salita at pangako lang ng Panginoon ang ating maaasahang gabay at sanhi ng lakas.

Sa huli, pananabik hindi takot sa katapusan ang dapat maghari sa ating puso— pag-asa ang dapat mangibabaw sa ating dibdib! Isang magandang pagkaka­taon daw ang ibinibigay sa atin ngayong Linggo upang makapag-isip isip tungkol sa sariling katapusan sapagkat sa pagtanggap ng ating ‘limitasyon’ o hangganan ng ating talino, lakas at kakayahan, nabubuksan ang ating puso sa pagkilala sa kadakilaan ng pag-ibig at plano sa atin ng Diyos.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy