Una sa Balita

Pag-asa at pangamba sa 2019

By
0 724

Sa survey ng Social Weather Station, nabawasan ang mga Pinoy na haharapin na puno nang pag-asa ang 2019, habang nadagdagan naman ang mga Pinoy na pangamba ang dala-dala sa pagsalubong sa bagong taon.

Kumpara sa pagsalubong sa 2018, lumitaw na 96% ng mga tinanong noon sa survey ang nagsabi na puno nang pag-asa ang pagsalubong nila sa nabanggit na taon. Pero sa bagong survey na may 1,440 respondent, o mga tinanong na ang edad eh 18 pataas, natapyasan na ang pag-asa sa 92%.

At kung dati eh 4% lang ang nagpahayag na nangangamba sila sa pagsapit ng bagong taon, nadoble na nga­yon ito sa walo. Itinaon pa naman ang paggawa ng survey noong December 16 hanggang 19, kung kailan dapat eh mataas ang morale ng mga tao dahil magpapasko.

Nakasaad sa survey ng SWS na galing sa Visayas region ang may pinakamaraming nabawasan ang pag-asa na mula sa dating 95 percent ay naging 79%. At sa antas naman ng pamumuhay, mas marami mula sa hanay ng mga nakaririwasa [class A,B,C] ang nabawasan ng pag-asa [90 percent mula sa 97 percent]. Apat na porsiyento naman ang nalagas sa hanay ng class D [92 mula sa 96], at 91 porsiyento naman sa dating 94 porsiyento sa class E, o mga pinakamahihirap.

Kung ano ang dahilan kung bakit dumami ang nangangamba at nabawasan ang may pag-asa sa 2019, hindi natin alam. Pero puna ng ating kurimaw na mahilig maniwala sa mga hula, hindi raw maganda ang mga nangyari sa mga huling araw bago magpalit ang taon.

Nagkaroon nang ma­lakas na lindol na yumanig sa karagatan ng Davao Oriental na may sukat na magnitude 7.2. Mabuti na lang at nangyari ang pagyanig sa malalim na bahagi ng karagatan at malayo sa kalupaan kaya hindi nakapaminsala. At mabuti rin na hindi ito lumikha ng tsunami.

Bukod sa lindol, mantakin mong Diyembre na at magpapalit na lang ng taon eh nagkaroon pa ng bagyo na Usman. Ang masaklap, dahil siguro nasa holiday season mode ang marami sa atin, hindi lubos na naging handa ang mga kababayan natin kaya umabot sa may 70 katao ang nasawi sa hagupit ng bagyo kahit hindi naman ito lubos na kala­kasan pero napakabagal nang usad.

Kahit nga sa mismong oras ng pagpapalit ng taon eh umuulan sa maraming bahagi ng bansa kaya malungkot malamang ang mga bumili ng maraming paputok at pailaw dahil hindi nila nasindihan. Pero kung malungkot ang mga mahihilig sa amoy ng usok at pulbura, nagdiwang naman tiyak ang mga may asthma o hika dahil hindi sila inatake dahil nga konti lang ang usok.

Maging ang Department of Health ay masaya rin dahil kakaunti rin lang ang nabiktima ng paputok ngayong taon kumpara sa mga nagdaang mga taon. Sana lang ay wala nang insidente ng indiscriminate firing o iyong mga kumag na nagpapaputok ng baril at may mga mabibiktima ng kanilang ligaw na bala.

But wait there’s one more! Mantakin n’yo mga tsong, bukod sa lindol at bagyo, may pahabol pang pambobom­bang naganap sa labas ng isang mall sa Cotabato City na ikinamatay ng nasa dalawa katao at mahigit 20 naman ang nasugatan. Gaya ng dati, matapos ang pagsabog eh may kung ano-anong hinala ang naglabasan tungkol sa posibleng nasa likod ng pag-atake.

Kaya si outgoing ARMM regional gover­nor Mujiv Hataman, nanawagan sa mga awtoridad na magkaroon ng masusing imbestigasyon para malaman kung sino ang may pakana ng pag-atake.

Kasabihan ng mga matatanda, kapag sinalubong mo nang lasing ang bagong taon, buong taon kang lasing. Pero sana lang eh huwag ta­yong bombahin, lindu­nin at ulanin nang buong taon. Kapag ganito ang nangyari, may basehan talaga para dumami ang mga Pinoy na sasalubungin ang 2019 nang may pa­ngamba. Abangan. La­ging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy