Una sa Balita

Pag-asa at pagtutulungan laban sa inflation

By
0 406

Laman sa social media at sa iba’t ibang pahayagan ngayon ang isyu ng inflation at estado ng ekonomiya sa ating bansa.

Kabi-kabila din ang mga ekspertong nagsasalita tungkol dito. Mayroong mga nagsasabing hirap ang ekonomiya ng Pilipinas, mayroon din namang nagpipilit na maganda ito sa kasalukuyan.

Pero ano nga ba ang epekto ng isang bagay na napakahalaga sa bansa sa isang ordinaryong Filipino? Ano ang epekto nito sa ating kababayang nasa pinakamaliliit, pinakamalalayo, at pinakamahihirap na komunidad sa Pilipinas?

Abante Hiring – IT dep

Noong nakaraang Linggo ay pinagusapan ito nila VP Leni Robredo sa radio show na BISErbisyong Leni sa DZXL 558. Mahalaga kay VP Leni na maintindihan ng ating kababayan ang pagbabago sa kanilang pamumuhay ngayong panahong may hamon sa ating ekonomiya.

Napakabigat ng salitang inflation — parang ‘di niya saklaw ang buhay ng ordinaryong Filipino, pero mali. Isa si Juan sa pinakamabigat na tinatamaan nito.

“Iyon pong inflation, sinusukat po noon kung gaano kabilis iyong pagtaas ng presyo ng mga bilihin,” ang simpleng paliwanag ni JC Punongbayan na bisita sa radio show.

Ibig sabihin, ang kababayan nating hirap sa buhay ay lalo pang nahihirapan dahil nababawasan lalo ang nabibili nilang produkto tulad ng pagkain. Lumalaki ang gastos, pero ang kita’y pareho pa rin.

Ito ang problema natin ngayon — pa­tuloy at mabilis na tumataas ang pres­yo ng mga bilihin at serbisyo. Pero bakit may nagsasabi pa na maganda ng ekonomiya natin? Nakakaloka.

Naalala ko ang kuwento ni VP Leni: “May pinuntahan kami dito sa Metro Manila, may isang babaeng nagsalita, ang sabi niya, ‘Dati kumakain kami tatlong beses isang araw, ngayon isa na lang.’ Kasi may mga mahihirap tayong kababayan na kapag walang-wala, kanin lang iyong kinakain.”

Kung kulang ang kita para sa pagkain, lalo nang mawawalan ng panggastos para sa iba pang mga mahahala­gang bagay tulad ng pang­kalusugan at pang-edukasyon. Paano na ang ating kababayan?

Hindi ako ekonomista, pero sa palagay ko gaya ng iba pang kinakaharap ng ating bansa, importanteng simulan natin sa pagtanggap na may problema tayong pang-ekonomiya.

Isa itong problemang masosolusyunan ng pagtutulu­ngan ng mga pinuno ng ating bansa. Maha­laga na matanggap ng bawat isa na may problema tayong kinakaharap — lalo pa’t mas mabigat ang epekto nito sa mga nasa laylayan.

Totoong napakahirap ng buhay nga­yon, ngunit hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa. Nariyan man ang isang malaking hamon sa ating ekonomiya, kaya natin itong labanan basta’t tayo ay patuloy na magtutulungan at maniniwalang kaya itong lampasan ng ating bayan.

***

Si Georgina Hernandez ang tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo. Siya rin ang namumuno sa Angat Buhay program ni VP Leni.