Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pag-asa

0 87

Mga anim na linggo na lamang ay may bago ng administrasyon na magpapatakbo ng gobyerno at magsisilbi sa mamamayang Pilipino.

Naghihintay ang marami kung ano ba ang magiging prayoridad na programa ng magiging bagong Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Marami rin ang umaasang ang bagong administrasyon ay maipagpapatuloy ang mga repormang napatupad ng Pangulong Duterte at maitatama naman ang mga aspeto kung saan siya nagkulang.

May mga mangilan-ngilan naman ang nagpahayag ng pagkadismaya sa resulta ng halalan at nagsabing hindi sila makikipagtulungan sa bagong administrasyon.

Marahil ay bugso lamang ito ng damdamin nila. Sana ay magbago pa ang kanilang isipan dahil iisa lang naman ang bansa natin at sino pa ba ang magtutulungan kundi tayo-tayo rin.

Bigyan natin ng panahon ang bagong administrasyon na maihayag ang kanilang plano at patunayan na sila nga ay karapat-dapat na mahalal bilang mga bagong lider ng ating bansa.

Magandang bungad ang nakaraang pahayag na ang itatalagang Secretary ng Department of Education ay si Vice President Sara Duterte-Carpio. Ibig sabihin ay malaki ang pagpapahalaga ng bagong Pangulong BBM sa edukasyon. Mismong ang Bise Presidente na kanyang kaalyado ang pinagkatiwalaan ni BBM para humawak ng departamentong ang responsibilidad ay mabigyan ng malawak na oportunidad ang mga kabataan na magkaroon ng magandang kinabukasan at maging mga produktibong mamamayan.

Ang national campaign manager ni BBM na si Benhur Abalos naman ang magiging bagong Secretary ng Department of the Interior and Local Government. Si Abalos, na isa ring abogado, ay malawak ang kaalaman at karanasan sa lokal na pamamahala dahil naging mayor siya dati ng Mandaluyong City at dating chairman ng Metro Manila Development Authority (MMDA).

Tulad ng pagtatalaga kay VP Sara bilang Education Secretary, ang pagpili kay Abalos bilang DILG Secretary ay pagpapatunay sa unang sinabi ng kampo ni BBM na sa kakayahan, dedikasyonn sa trabaho at kwalipikasyon titingin ang bagong Pangulo sa pagbuo ng kanyang Gabinete.

Napabalita rin na naimbitahan si dating Labor Secretary Bienvenido Laguesma na bumalik sa kanyang dating puwesto sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng administrasyon ni BBM. Si Susan ‘Toots” Ople naman na masigasig na tagapagtaguyod ng mga karapatan ng overseas Filipino workers (OFWs) ang napupasuan ni BBMna maging Secretary ng bagong Department of Migrant Workers. Ang desisyon na lamang nilang dalawa ang hinihintay kung sila ba ay nakahandang magsilbi sa gobyerno.

Makikita sa pag-imbita kina Laguesma at Ople sa bagong Gabinete na matimbang kay BBM ang kapakanan ng mga mangggagawa at ng ating mga kababayang OFWs.

Sa mga susunod pang mga linggo ay ihahayag kung sino pa ang mga bubuo sa Gabinete ng ating bagong Pangulo at kung ano ba ang mga ihahain niyang mga programa lalo na para sa pagbangon natin at ng ating ekonomiya mula sa pandemya.

‘So far, so good’ ‘ika nga. Sana ay maging positibo tayo at makiisa sa magagandang hangarin at plano ng papasok na administrasyon, binoto mo man o hindi ang magiging Pangulo. Isipin natin ang makakabuti sa ating bayan, at laging tandaan na sa bawat problema, may LUNAS.

Leave A Reply

Your email address will not be published.