Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pag-alaala sa unang bayani ng Pilipino

0 57

Ngayong linggong ito, nagkaroon ako ng pribilehiyo na maimbitahan bilang panauhin para saksihan ang isang napakahalagang okasyon sa kasaysayan ng Pilipinas, partikular sa lalawigan ng Cebu.

Ika-500 anibersaryo o quincentennial ng Victory sa Mactan noong nakaraang Abril 27, 2021.

Ginugunita natin sa araw na ito ang pagtatagumpay ng ating unang pambansang bayani na si Lapu-Lapu laban kay Ferdinand Magellan. Mahalaga ang araw na ito dahil iyon ang unang matagumpay na paglaban ng Pilipinas sa kolonyalismo.

Ang kabayanihan ni Lapu-Lapu ay itinuturing na simbolo ng katapangan ng Pilipino, lalo na sa harap ng matinding panganib at mas malakas at mas malaking kalaban.

Bilang parangal kay Lapu-Lapu, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Executive Order No. 17 noong Abril 7, 2017, na lumilikha ng Order ng Lapu-Lapu. Ang parangal ay nagbibigay ng pagkilala sa mga opisyal at tauhan ng gobyerno, kabilang ang mga pribadong indibidwal, para sa kanilang mahalaga at pambihirang serbisyo na nauugnay sa isang kampanya o adbokasiya ng Pangulo.

Kabilang sa mga nakatanggap na ng Order of Lapu-Lapu ay ang mga miyembro ng Philippine Marines na lumaban para sa paglaya ng Marawi City.

Related Posts

Damayan tayo

Kampi sa China?

‘Tubig is life’

Upang gunitain at ipagdiwang ang quincentennial na anibersaryo ng tagumpay ni Lapu-Lapu sa Labanan sa Mactan, ang Presidential Proclamation No.1128 ay ginawa para ideklara ang 2021 bilang “Year of the Filipino Pre-Colonial Ancestors” at para ideklara ang Abril 27, 2021 bilang isang espesyal na araw ng pagtatrabaho sa buong bansa.

Ang lalawigan ng Cebu ay naghanda ng mahusay na selebrasyon na angkop sa pagdiriwang ng quincentennial ni Lapu-Lapu. Ito ay pinangunahan ni City Mayor Junard “Ahong” Chan. Ipinahayag ni Mayor Chan ang kanyang pasasalamat sa Pangulo sa pagtataas ng karangalan ni Lapu-Lapu at paglalarawan sa kanya na “a greater standing among the pantheons of national heroes.”

Bahagi ng pagdiriwang ang unveiling ng marker ng world-class Philippines Quincentennial Museum noong Abril 26, 2021, na dinaluhan ko rin. Itinatampok sa museo ang papel ng Pilipinas sa kauna-unahan na paglilibot sa mundo na nangyari matapos dumating si Ferdinand Magellan sa bansa 500 taon na ang nakararaan.

Sa pagpunta ng mga panauhin sa museo, makikita nila ang showcase ng pre-kolonyal na Pilipinas, kung saan ipinapakita na ang ating mga ninuno ay mayroong sariling kultura, paniniwala, at istrakturang pampulitika bago pa man dumating ang mga Europeo.

Ang kabayanihan ni Lapu-Lapu ay tunay na nagpapakita ng kagitingan, dedikasyon, at pagmamahal ng Pilipino sa bansa. Ang mga katangiang ito ay patuloy pa rin at ipinapakita pa rin ng ating mga bayani sa modernong panahon–ang ating mga frontliner sa medisina.

Habang binibigyan natin ng halaga ang quincentennial celebration na ito para kay Lapu-Lapu na unang pambansang bayani ng bansa, bigyan din natin ng parangal ang tunay na mga bayani ng ating panahon–ang mga kalalakihan at kababaihan na patuloy na namumuno sa ating pakikipaglaban sa COVID -19.

Tulad ni Lapu-Lapu at ng kanyang matatapang na tauhan na nakipaglaban at nanalo laban sa mga mananakop na Europeo, nawa ay magtagumpay din tayo laban sa COVID-19 na pinangungunahan ng ating matatapang na mga bayani sa modernong panahon–ang ating mga frontliner sa medisina. ###

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.