Una sa Balita

Pag-aarmas sa MMDA, dapat ba?

0 281

Pinag-uusapan ngayon ang panukala ng lide­rato ng MMDA na sila ay bigyan ng police powers at armasan ang kanilang mga traffic enforcer.

Nais daw kasi na makatiyak ang MMDA na sila ay irerespeto ng mga motorista na madalas lumabag sa batas trapiko.

Ngayon kasi ay tila binabalewala at may mga eksenang tinatakbuhan pa ng mga traffic violator ang mga traffic enforcer at minsan ay sinasaktan pa.

Marahil ay nagagawa ito ng ilang barumbadong moto­rista dahil alam nila na walang baril ang mga MMDA traffic enforcers.

Pero hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na marami sa mga MMDA traffic enforcers ay hindi naman edukado at mayroon pa nga na nagsilbi noon bilang metro aide o naglilinis sa kalsada.

Hindi rin sumailalim sa isang trai­ning ang mga MMDA traffic enforcers tulad sa mga pulis at iba pang law enforcement agencies na may pagsasanay sa paghawak ng baril.

Sa aking obserbasyon ay hindi kailangan ang paghawak ng baril upang maisaayos ang problema sa trapiko at maipatupad ang batas trapiko.

Magandang suriin natin na bakit sa Japan kahit mga pulis na umiikot sa mga kalsada na nagpapatupad ng batas ay wala ngang bitbit na baril pero naipatutupad nang maayos ang batas.

Kung talagang may mga arogante at pasaway na motorista ay maraming paraan upang ang mga ito ay obligahin na mapanagot sa lalabag sa batas trapiko.

Mas mainam na ipagpatuloy na lang ng PNP Highway Pat­rol Group ang pagtulong sa MMDA sa pagmando sa trapiko upang patinuin ang mga motorista at higit sa lahat ay maibsan ang problema sa trapiko.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy