Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Padrino ng maimpluwensiyang magnanakaw uubusin ni Lacson

0 158

Iginiit ni Partido Reporma Chairman at standard-bearer Sen. Panfilo ‘Ping’ M. Lacson na bagama’t nagampanan niya ang kanyang papel sa nag-viral na kaso nina Leonardo ‘Lolo Narding’ Flores at Robert Hong sa pagnanakaw ng mangga sa Pangasinan, marami pang dapat gawin para mananaig ang hustisya para sa lahat.

Sa kanyang tweet, ipinahiwatig ni Lacson na ga-tuldok lang ang kuwento nina Lolo Narding at Hong sa tunay na estado ng hustisya sa bansa dahil sa reyalidad ay nakatatakas sa batas ang mga maiimpluwensyang magnanakaw.

Kung mahahalal siya bilang susunod na Pangulo ng bansa, tiniyak ni Lacson na tatapusin niya ang nasabing maling sistema para ipatupad ang pantay na hustisya sa lahat – mahirap man o mayaman.

“It’s simply unfair and sad,” sabi pa ni Lacson sa kanyang post.

Inihayag ito ni Lacson matapos niyang malaman ang tunay na dahilan ng pagdakip at pagpapakulong sa 80-anyos na si Flores dahil sa umano’y pagnanakaw ng mga mangga sa lote na binabantayan ni Hong.

Hindi umano makapaghanapbuhay si Hong bilang driver matapos magtago dahil sa mga pagbabanta at pambu-bully mula sa publiko bunsod ng pagpapakulong kay Flores.

Ayon kay Lacson, ang pagsisiwalat ng katotohanan sa publiko ang maitutulong niya para sa kaso nina Flores at Hong.

Kaya’t ipinangako ni Lacson na wawakasan niya ang mga maling gawain, partikular ang paglaganap ng krimen at korapsyon sa pamamagitan ng pinaghalong disiplina at matatag na liderato.

Sa ilalim ng kanyang campaign slogan na “Aayusin ang Gobyerno, Aayusin ang Buhay ng Bawat Pilipino”, uubusin umano niya ang mga magnanakaw sa gobyerno tulad ng ginawa umano niyang pagwalis sa mga scalawag na miyembro sa Philippine National Police (PNP) nang pamunuan niya ito simula noong 1999 hanggang 2001. (Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.