Una sa Balita

Pacquiao kailangang ituloy ang boksing

By
0 4,111

HINDI malinaw kung magkano ang kikitain ni Manny Pacquiao sa kanyang naging laban kay Lucas Matthysse. Pero siguradong milyong dolyares naman ang kanyang ibabangko.

Hindi rin malinaw kung ito na ang kanyang huling laban. May mga nagsasabing kapag nanalo si Pacman ay malamang na maikasa ang isang matinding card laban kay Terence Crawford, ang Amerikanong tumalo sa Australyanong si Jeff Horn. Para sa mga hindi nakakaalam, tinalo ni Horn si Pacquiao sa kanilang laban noong Hulyo 2, 2017 sa Brisbane. Kontrobersiyal ang naging pagkatalo ni Pacman sa nasabing laban.

Tumataginting na 10 milyong dolyares ang natanggap ni Pacquiao sa laban niya kay Horn. Ganito rin ba ang matatanggap niya sa laban niya kay Matthysse? Habang binabasa n’yo ito ay tapos na ang laban sa Kuala Lumpur, Malaysia. Malamang na maski papaano ay may sasabihing presyo ang mga katoto nating nag-cover ng laban.

Bakit natin ipinagdidiinan kung magkano ang kikitain ni Pacman laban kay Matthysse? Ito’y dahil marami ang nagsasabing maski na si Pacquiao ang pinakamayamang senador sa Pilipinas, kailangan pa rin niyang mag-boksing, kailangan pa rin niyang kumita ng pera.

Nang labanan ni Pacquiao si Floyd Mayweather Jr., tumatagin­ting na $150 milyon ang kanyang kinita. Hindi natin alam kung ano ang ginawa ni Pacman sa naturang pera. Ang alam natin, hindi biro ang kanyang ginagastos sa kanyang nakaraang mga kampanya, hindi biro ang kanyang ginagastos para sa pagpapatakbo ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL), na behikulo para sa kanyang planong pagtakbo sa mas mataas na posisyon sa 2022.

Hindi biro ang lifestyle ni Pacman. Nga­yon ay mas malamang na makikita natin siyang nakasuot ng Amerikana kaysa sa boxing trunks. Kaila­ngan niyang a­lagaan ang kanyang image. Hindi puwedeng ‘poor’ siya sa tingin ng mga botante.

Hindi rin malinaw kung ano ang sitwasyon sa mga business ni Pacman. Kumikita kaya ang kanyang mga investment? Magkano na lang ang natitira sa bilyon-bilyong kinita niya mula nang siya ay pumaimbulog sa daigding ng boksing?

Aabot pa ba ito sa 2022?

‘Yan ang sinasabing dahilan kung bakit imbes na mag-retiro na ay heto at lumalaban pa rin si Pacman, na nakatakdang mag-celebrate ng kanyang 40th birthday sa Disyembre. Kailangan pa rin ang boxing money train.
Pero ang tanong? Hanggang kailan?