Una sa Balita

Pacquiao inisnab ang imbitasyon ni Mayor Sara

By
0 1,990

HINDI susunod ang Pinoy boxing champ at Senador Manny Pacquiao sa mga kapartidong kumalas sa PDP-Laban matapos na patalsikin sa puwesto si da­ting House Speaker Pantaleon Alvarez bilang ­lider ng Kamara.

Sa isang panayam nitong Sabado sa boxing­ champ sa DWIZ, iginiit nitong mananatili siya sa PDP-Laban sa kabila ng pagkalas ng maraming kapartido at paglipat sa regional party ng presidential daughter at Davao Mayor Sara Duterte-Carpio. 

Pagbibigay-diin ni Pacquiao, loyal siya sa PDP-Laban at ayaw niyang maakusahang palipat-lipat ng partido.

“Wala naman akong problema pero PDP-Laban ako, kalilipat ko lang. Ayoko naman isi­pin ng mga tao na para akong ibang politiko diyan na talon nang talon. Pangit,” tugon ni Pacquiao kaugnay sa naging imbitasyon na lumipat sa ibang partido partikular sa Nationalist People’s Coalition (NPC).

“Oo PDP-Laban pa rin ako,” giit ng Pambansang Kamao.

Bagama’t hindi tatalon sa partido ni Ma­yor Sara, suportado aniya niya ito sakaling magdesisyong tumakbong senador.

“Para sa akin gusto ko ‘yan. Gusto ko tumakbo siyang senador,” pahayag ni Pacquiao sa nasabi ring panayam.

Naniniwala si Pacquiao na maraming maitutulong si Mayor Sara sa Senado.

Nagpahayag din ng paghanga si Pacquiao kay Mayor Sara sa political will ng alkalde na malaking tulong aniya ito sa loob at labas ng Senado.

“Malaking bagay maitulong niya sa Senado especially meron siya political will. Na-ma­nage nga niya nang maayos ang Davao City eh… [Pero] oo, malaki [rin] ang maitutulong niya ‘di lang sa Senado,” giit pa ni Pacquiao.