Una sa Balita

Pacquiao gustong bumalik sa ABS-CBN

0 1,806

abante-paistaran-dondon-serminoBumisita ang bagong WBA welterweight champion na si Sen. Manny Pacquiao sa ‘It’s Showtime’ sa ABS-CBN kamakailan. Kahit mas kilala bilang Kapuso, naging mas maingay ang pagbisita niya sa Kapamilya network.

Bukod sa pagbibigay sa kanya ng bonggang red carpet welcome, sinalubong din siya ng ilang Kapamilya executive na all smiles habang bumabati ito sa madlang people sa ‘It’s Showtime’.

Si Pacman mismo, hindi naitago ang pagiging pusong Kapamilya dahil inamin niyang araw-araw silang nanonood ng ‘It’s Showtime’ ng asawang si Jinkee. Hinanap din niya si Vice Ganda, na paborito raw niyang host doon.

Mukhang naparasap pa ang kwentuhan lalo at si Pacman na ang nakiusap na imbitahan daw siyang muli kapag kumpleto na sila. Inimbitahan naman siya ni Ryan Bang na ma­ging bahagi raw ng performance niya para sa ‘Magpasikat’ anniversary celebration nitong taon. Masorpresa kaya tayo ni Pacman sa Oktubre?

Noong laban niya sa Malaysia, mas pinili rin ng madlang people ang manood sa ABS-CBN kahit pinalabas din ito sa ibang channel. Nakakuha ng national TV rating na 20.4% ang laban na inere sa ABS-CBN laban sa 18.2 ng GMA, ayon sa datos ng Kantar Media.

Anyway, grabe rin ang pasasalamat ng Pambansang Kamao sa ABS-CBN sa pagsuporta sa Maharlika Pilipinas Basketball League na itinatag niya.

Jerome, Francis ipinagtabuyan ni Bobby

Masalimuot ang laban ng magkapatid na Jerome Ponce at Francis Magundayao, matapos silang itakwil ng sariling ama sa ‘Ipaglaban Mo’ ngayong Sabado (Hul­yo 28).

Mula pagkabata, hindi na nakagisnan nina Vince (Jerome) at Mario (Francis) ang kanilang tatay na si Rommel (Bobby Andrews) dahil hindi kasal ang kanilang mga magulang.

Ngunit sa una nilang pagkikita, ipagtatabuyan sila ni Rommel, na kasalukuyan nang may ibang pamilya. Lalo namang bibigat ang sitwasyon dahil maooperahan ang ina nilang si Letty (Ana Carpio), na ikakabaon nila sa utang.

Susubukang humingi ng saklolo ni Vince para sa kanilang pamilya, pero paninindigan ni Rommel ang kanyang desisyon at ipapamukhang wala siyang obligasyon sa kanyang mga anak.

Manalo kaya sina Vince at Mario sa kanilang laban para sa karapatan sa suporta ng kanilang ama?

Naghahandog ang ‘Ipaglaban Mo’, ang longest-running na legal drama sa bansa, ng mga makabuluhang episode base sa totoong buhay, na maaaring mapagkunan ng aral.

Nagbibigay rin ito ng libreng legal advice linggo-linggo sa ABS-CBN Tulong Center sa Quezon City.

Huwag palampasin ang ‘Bastardo’ sa direksyon ni Tak Barrios.