Una sa Balita

Pacquiao, flag-bearer uli sa Asiad?

By
0 260

ILANG araw na lamang subalit wala pang napipili ang Team Pilipinas ng magiging flag-bearer para sa 18th Asian Games na sisipa sa Agosto 18-Set­yembre 2 sa Palembang at Jakarta, Indonesia.

Sinabi ni Team Pilipinas chef-de-mission Richard Gomez na kinukunsidera nila na muling hikayatin si World Bo­xing Association (WBA) welterweight champion at Senador Emmanuel Pacquiao na maging flag-bearer para pangunahan ang mahigit 270-kataong delegasyon ng bansa.

“One great suggestion given to us is Senator Manny Pacquiao. Sinabihan din kami na si Cleveland Cavaliers guard Jordan Clarkson sana kung matutuloy ang paglalaro ng basketball pero at this time siguro ay hindi na siya ang mangunguna sa atin,” sabi ni Gomez.

Una nang pinagpilian si Krizziah Mae Tabora ng bowling subalit umat­ras naman ang bagong World Cup queen sa pagsabak sa kada apat na taong torneo dahil sa problema sa kalusugan, gayundin ang 2016 Rio Olympics silver medalist na si Hidilyn Diaz.  

“Diaz was already chosen as flag bearer natin sa London Olympics at pati na sa nakaraang Asian Indoor Games saka naapek­tuhan siya noon dahil sa sumakit ang mga kamay niya,” sabi ni Gomez. “We will try kung papayag pa si Senator Pacquiao kasi masyado na din busy siya at nagpapahinga sa hu­ling laban niya,” aniya.

Matatatandaan na si Pacquiao ang naging flag bearer ng Pilipinas noon sa Beijing Olympics 2008 kahit hindi ito kasama sa mga pambansang atleta.

“We are looking at somebody that will serve as inspiration and guide to the national delegation,” sabi pa ni ­Gomez.