Una sa Balita

PACQUIAO, DUMOBLE ANG YAMAN

By
0 1

Dumoble ang yaman ni Sarangani Congressman at Senator-elect Manny Pacquiao sa loob ng isang taon matapos umakyat sa P3.2 billion ang total networth nito noong 2015 mula sa P1.6 billion noong 2014.

Ito ang lumalabas sa summary ng Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ng 290 kongresista na ini-release kahapon ng tanggapan ng Secretary General ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Base sa nasabing dokumento, si Pacquiao ay may total assets na P3,365,605,175 subalit mayroon itong liabilities o utang na P97,405,087 kaya P3,268,200,068 ang kanyang networth noong 2015.

Doble ang laki nito sa P1,688,200,088 na networth na idineklara ni Pacquiao sa kanyang 2014 SALN.

Basa sa report ng ESPN, may guaranteed purse si Pacquiao na US$100 million nang labanan nito si Floyd Mayweather Jr., noong May 2015 at hindi pa kasama rito ang kanyang kita sa pay-per-view at ticket shares.

Si Pacquiao ay nanalo sa nakaraang senatorial election kung saan gumastos lamang umano ng P66 million sa kampanya.

Nasa top-10 na pinakamayaman sa Kongreso sina Reps. Jules Ledesma, Feliciano Belmonte Jr., Imelda Marcos, Alfredo “Albee” Benitez, mag-asawang sina Mark Villar at Emmeline Aglipay Villar, Ferdinand Martin Romualdez, Gloria Macapagal Arroyo, at Joel Roy Duavit.

Pinakamahirap naman si Anakpawis party-list Rep. Fernando Hicap na mayroong P43,239 total networth na nabawasan kumpara sa P95,572 networth nito noong 2014.