Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pacquiao dapat pa bang magboksing?

0 174

Maraming puwedeng abangan ngayon sa boksing ang mga Pinoy mga tropapips. At isa rito ang tanong kung babalik kaya sa ring ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao?


Matatandaan na nagretiro ang 43-anyos na si Pacquiao matapos siyang matalo via unanimous decision noong nakaraang taon kay Yordenis Ugas.

Bukod doon, kailangan talaga niyang iwan ang boksing dahil tumakbong siyang presidente ng Pinas nitong nakaraang eleksiyon pero olats din. Ngunit ngayon tapos na ang eleksyon at tapos na rin ang termino niya bilang senador–ano ngayon ang pagkakaabalahan niya?

Ang mga kurimaw nating adiktus noon na gustong magretiro na si Pacman, ngayon naman eh may mga pabor na bumalik siya sa ring kahit sa exhibition match lang.

Sa totoo lang, malamang na mababawi ni Pacquiao sa isang laban kung magkano man ang nagastos niya sa nakaraang halalan. Lalo na kung malakihang laban kahit exhibition lang.

Marami ang sureball na interesadong magharap muli sina Pacman at Floyd Mayweather, o kaya eh matuloy na ang laban nila ng UFC fighter Conor McGregor. Mas maigi na rin na mag-boksing muna si Conor dahil baka hindi pa lubos na magaling ang nabali niyang binti sa nakaraan niyang laban sa MMA.

Sa pagkatalo kasi ni Nonito Donaire Jr. kay Naoya Inoue ng Japan, para daw nawalan ng boxing hero ang mga Pinoy. Ngayon, gusto na rin ng kaniyang tatay na magretiro na si Nonito lalo pa’t 39-anyos na rin siya.

Related Posts

Pagdaramdam

Bagong kabanata

Mahirap na rin nga naman malamog pa nang husto si Nonito sa kaniyang edad. Kilala rin kasi ang “The Filipino Flash” na gustong makipagbaragan ng mukha. Hindi gaya ni Mayweather na “magulang” sa laban.

Puwede raw sanang maihilera kina Pacman at Donaire si John Riel Casimero. Ang kaso, natanggalan siya ng belt nang walang kalaban-laban. Dalawang beses na kasing hindi natuloy ang mandatory fight niya sa Briton na si Paul Butler, na siyang nakakuha ng belt niya matapos manalo sa isa ring Pinoy na ipinalit kay Casimero.

Ngayon, atat na atat si Casimero na makalaban si Naoya na tatlong belt na ang hawak matapos talunin si Donaire. Pero papansin ba naman siya ng Japanese fighter eh wala na siyang belt. Kung gusto niya, labanan at patulugin niya si Butler, saka niya hamunin si Naoya.

Pero sa totoo lang, napakadelikado mga tropapips ng boksing. Tulad ng nangyari kay Simiso Buthelezi ng Africa, na bigla na lang nawala sa porma habang lumalaban at biglang nanuntok ng hangin.

Inawat na siya ng referee at idineklarang panalo ang kalaban niya. Ang kawawang si Simiso, nawalan ng malay, dinala sa ospital, na-comatose, at pagkatapos ay namatay.

Ang itinuturong dahilan, ang pagdurugo ng kaniyang utak. Hindi matiyak kung tinamo niya ang pinsala sa naturang laban o dati na iyong problema na lumala sa naging huli niyang laban.

Ngayon ang tanong, dapat pa bang umalis sa pagkakaretiro si Pacquiao at muling lalaban para mapasaya muli ang Pinoy boxing fans? At dapat na rin bang magretiro si Donaire na aminadong hindi niya nakita ang bilis ng kamao ni Naoya sa kanilang naging laban? What you think. Abangan. Laging Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”

Leave A Reply

Your email address will not be published.