Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pacquiao binira si Cusi sa kuryente tongpats

0 302

HINDI lang sa kabiguang tugunan ang problema sa brownout dahil sa kapabayaan at pamumulitika, sinisisi rin ni Senador Manny Pacquiao si Energy Secretary Alfonso Cusi sa mataas na presyo ng elektrisidad na isa sa pinakamataas sa Asya.

Sa pagdinig kahapon ng Senado sa panukalang P2.13 badyet ng DOE, inihayag ni Pacquiao na nagbabayad ang mahigit 20 milyong Pilipino household at mga negos­yo ng hidden charges sa electric bill dahil sa umano’y ‘anomalous scheme’ sa pamamahala at operasyon ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM).

“Kung mayroong Pharmally ang DOH, Starpay ang DSWD ay mayroon namang PEMC-IEMOP ang DOE,” sabi ni Pacquiao sa opening statement, patungkol sa Phi­lippine Electricity Market Corporation (PEMC) at Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP) na sangkot sa operasyon at pamamahala ng WESM.

Dahil kay Cusi, sinabi ni Pacquiao na nagbaba­yad ang mga konsyumer ng .0086 sentimo kada kilowatt-hour ng nakukonsumo sa P1.70 kada 200 kilowatt hour baseline consumption para sa mga lifeline user.

“This translates to at least P34 million to P40 million in hidden charges that are illegally collected from electricity consu­mers every month,” sabi ni Pacquiao.

Sa naturang pagdinig, sinabi ni Pacquiao na sa kabila ng malinaw na pag­labag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, the Government Procurement Act, at Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA), pinayagan umano ni Cusi ang tatlong buwan pa lamang na pribadong korporasyon na mag-takeover sa electricity spot market at tuparin ang requirement ng EPIRA bilang independent market operator.

“Ang mas masakit, Mr. Chairman, ay ginawa pang raket ng mga magkakamag-anak, magkakaibigan at mga magkakampi ang pagpapatakbo sa ating electricity spot market,” dagdag pa nito.

“Nakita natin kung paano sinindikato ng mga nasa kapangyarihan ang EPIRA Law upang lalo pang magkamal ng kapangyarihan at salapi,” ayon pa kay Pacquiao.

Hinamon naman ni Cusi si Pacquiao na dalhin sa korte ang kanyang mga alegasyon.

“Itong sinsasabing accusation na ganyan that is siguro po masakit din po and I hope it can be done outside the walls of the Senate at kung kaila­ngan ikaso, ikaso po,” giit ng DOE secretary. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.