Una sa Balita

Pacquiao atat pa rin sa basagan ng mukha

By
0 1,237

Wala pa sa bokabularyo ni Manny Pacquiao, sa edad 39-anyos, ang pagreretiro.

Katunayan, may plano na para sa kanyang ring comeback nga­yong 2018 ang kanyang promoter na Amerikanong si Bob Arum ng Top Rank.

Tingin ni Arum, perpektong tiyempo ang buwan ng Abril para sa pagbabalik sa ibabaw ng lona ni Pacquiao dahil hindi nito masyadong masasagasaan ang trabaho bilang senador.

“I would like for him to come back in April. I’m working on that. Whether or not I can accomplish that I don’t know, we’ll see. Pacquiao is more of a politician-senator than he is a boxing. We’ll try [to make his comeback fight],” ani Arum sa isang boxing website kahapon.

Nabigo via kontrobersiyal na unanimous decision si Pacman sa tanging laban niya nitong 2017 sa Australyanong si Jeff Horn sa harap ng lampas 50,000 fans sa Suncorp Stadium sa Brisbane.

Nagulat ang marami sa iba’t ibang panig ng mundo nang makakuha ng unanimous decision win ang mas batang karibal ni Pacquiao at agawin ang WBO welterweight belt ng Pinoy superstar.

Nais ni Arum na makuha na ni Pacman ang ika-60 career win matapos ang pagkatalo kay Horn noong Hulyo. May kartadang 59-7-2 win-loss-draw kaakibat ang 38 KOs ang fighting senator.

Umangat na sa 18-0-1 marka, 12 KOs si Horn kasunod ng panalo sa kanyang unang title defense kontra Gary Concoran ng Britanya, via 11th round stoppage bago nagwakas ang nakalipas na taon.

Ayaw ni Arum na isabak agad sa rematch kay Horn si Pacquiao. Nais ng boxing promoter na lumaban muna ang Pinoy slugger sa isang tigasing welterweight fighter bago sumalang sa magwawagi sa labanan nina Horn at Terrence Crawford para sa mandatory title defense ng una sa WBO welterweight crown na iskedyul din sa Abril.

Abala pa rin ang ring idol sa kanyang mandato bilang mambabatas ngunit hindi itinatago ang kagustuhang makabalik sa ibabaw ng lona para muling makipagbasagan ng mukha.