Una sa Balita

Pacific Online-Willy Ocier imbestigahan!

By
0 728

BINIGYANG-DIIN ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na mahalagang matukoy kung nagkaroon ng hokus pokus kaya nalugi ng P4.2 bilyon ang online lottery game na Keno ng Philippine Charity Sweepstakes Office.

Ito’y makaraang irekomenda sa 2017 Annual Audit ng Commission on Audit (COA) sa PCSO na ipatigil na lang ang operasyon ng Keno matapos madiskub­re na umaabot sa P4.2 bilyon ang nalugi dito sa nakalipas na 12 taon.

“Tingin ko kaila­ngang seryosohin ‘yung findings ng COA. Kailangang magpaliwanag ang PCSO kung bakit nga nalugi ito at tiyakin ng gobyerno na walang anomalya sa pagpapa­lakad ng ligal na porma ng sugal na ito,” ani ­Tinio.

Hindi rin makapaniwala ang kanyang kasamahang si ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na nalugi ang Keno kaya iginiit din nito na maimbestigahan ang naturang isyu.

“Kung totoo na ­nalulugi eh ‘di ipasara. Pero parang hindi naman kapani-paniwala na nalulugi ito. Dahil alam naman natin ang kultura ng mga Filipino. Dahil hindi na nga matulungan ng gobyerno aasa na lang sa sugal at kung ano pang puwedeng pagkakitaan nang mabilisan,” ani Castro.

Mungkahi pa ni Castro na ibigay ito ng COA sa kinauukulang ahensiya ng gobyerno para maimbestigahan.

Nakakontrata ang operasyon ng Keno sa Total Gaming Technologies Inc. na subsidiary ng Pacific Online Systems Corp. na pinamumunuan ni Willy Ocier. Magtatapos ang kontrata nito sa 2020.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy