Una sa Balita

Pabahay sa sumukong NPA sinisimulan na – Digong

0 1,342

MULING inudyukan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na magsisuko na sa pamahalaan kapalit ng pangakong pabahay at trabahong pangkabuhayan.

Sa pagsasalita ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte sa harap ng mga tropang sundalo sa Edwin Andrews Air Base sa Zamboanga, nanawagan uli ito sa mga NPA, maging Moro o Kristiyano na magbalik-loob na para sa magandang buhay.

Inisa-isa nito ang mga proyektong pabahay ng gobyerno sa Bulacan at Davao kung saan mahigit sa 1,000 pabahay ang nakatakda nang matapos. Handa umano niyang pasimulan ang pabahay para sa mga dating NPA.

“‘Yung mga nag-surrender – Moro or Kristiyanos, NPA, basta mag-surrender kayo, meron kayong bahay, I’ll start the construction,” paha­yag pa ng Pangulo.

Gayunman, tiniyak nito na may kalayuan ang lokasyon upang makaiwas na rin sa anumang sagupaan o engku­wentro. Ligtas umano ang lugar at akma sa pagbabagong buhay ng mga rebel returnees.

Iginiit din nito na nilakihan niya ang sukat ng mga itatayong pabahay kung dati ay nasa 24 square meters lang, na­ngako ito na gagawin ­niyang 60-64 square meters ang sukat ng ipapatayong bahay sa Davao, Mati at Baguio.

“So I’m giving you 64… 60 square meters. Kontento na kayo. Lalo na sa bagong asawa. You will have 1,000 of it. You have 1,000 in Davao, Mati, Baguio,” turan pa ni Duterte.

Bukod sa pabahay, tuturuan din ng bagong kaalaman o skills ang mga magbababalik-loob sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Autho­rity (TEDSA) sa ilalim ng pamumuno ni Director General Secretary Guiling­ ‘Gene’ Mamondiong na isang Maranao.