Una sa Balita

Paastigan ng pulso sa 3-pt. shootout

By
0 2,394

April 22 ang bukas ng PBA Commissioner’s Cup kung saan ipaparada ng 12 teams ang kani-kanilang mga import.

Pero sa May 23 hanggang 27 ititigil muna ang mga aksiyon dito para bigyang daan naman ang taunang PBA All-Star Games na i­naabangan ng PBA fans. Ang mga fan ang bumoto kung sino-sinong players ang mala­lagay sa All-Star line up.

Tampok siyempre sa espesyal na araw na ito ang pagtatagisan ng galing at husay ng Luzon Stars versus Gilas, Mindanao Stars-Gilas at Visayas Stars kontra Gilas.

Tatlong lugar sa bansa ang pagdarausan ng festivities – Davao del Sur, Batangas City at Iloilo City.

Bukod sa bakbakan ng PBA All-Stars at Gilas Pilipinas, tampok din ang Slam Dunk contest, three-point shoot out at obstacle challenge competitions.

Ang Mindanao Stars ang unang sasagupa sa Team Phl sa May 23 sa Davao del Sur. Matapos ito, ang Luzon Stars naman ang susubok sa pruweba ng Gilas Pilipinas sa May 25 sa Batangas City.

Pinakahuling makakasagupa ng Gilas ang Visayas Stars sa Iloilo City sa May 27 at matapos ito ay balik aksiyon na sa Commissioner’s Cup.

Sa three-point shootout, tatangkain ni Alein Maliksi na maipagtanggol ang kanyang koro­na laban kina Terrence ­Romeo at James Yap.

Bukod sa dalawa, hahamunin din nina LA Tenorio, Javee Casio, Stanley Pringle at iba pang shooters si Maliksi.

Sa obstacle challenge naman magsusubukan ng bilis sa maniobra ang backcourt players tulad nina Asia Taulava, Sonny Thoss, Raymond Aguilar, JP Eram, Kelly Nabong at pitong iba pa.

Samantala, wala pang pinapangalanan ang PBA kung sino-sino ang hahamon sa defendin­g champion na si Chris Newsome sa Slam Dunk competiton.