Una sa Balita

Paasa at puro bola

By
0 563

Walang anumang bagong benepisyo sa mga manggagawa ang pwedeng magtakip sa hindi pagtupad ni Pangulong Duterte sa pangako nitong tatapusin ang ENDO o End of Contract scheme sa Pilipinas.

Noong panahon ng kampanya, ipinangako ni Duterte na tatapusin ang ENDO. Marami ang napaniwala kaya naman siya ang ibinoto lalo na ng mga manggagawa na umasang magkakaroon na sila ng security of tenure sa kanilang trabaho. Umasa sila na hindi na nila muling kakailanganing maghanap ng trabaho kada limang buwan pagkatapos ng kanilang kontrata.

Ngayon na tapos na ang kampanya at halos dalawang taon na sa poder si Duterte, panahon na ng paniningil. Karapatan ng mga manggagawa na maningil dahil isinugal nila ang kanilang boto noong nakaraang eleksyon para makamit ang matagal na nilang pangarap na maging permanente na sa kanilang trabaho.

Abante Hiring – IT dep

Ngunit imbes na tuparin ang pangakong ito, biglang pasa naman ang Malacañang ng responsibilidad sa Kongreso para gumawa ng batas na tatapos sa ENDO. Ang mga narinig natin ay puro pagpapalusot na kesyo wala daw kapangyarihan ang Malacañang sa isyu na ito. Wala nga ba?

Ang Kongreso at Senado ay nagkaroon na ng pagdinig sa mga panukalang tapusin na ang ENDO. Subalit dahil hindi naman “certified as urgent” ng Pangulo ay tila hirap na hirap na maging prayoridad ng liderato ng dalawang kapulungan ang nasabing panukala.

Kung talagang plano ng Pangulo na tapusin ang ENDO, sana ay si­nertipikahan niya bilang “urgent” ang mga panukalang batas na nakahain sa Senado at Kamara o kaya ay nagsumite ng sariling bersyon. Wala sa mga ito ang ginawa ni Duterte. Indikasyon ito na una pa lamang ay political gimmick lang ang pangakong tatapusin ang ENDO para makakuha ng boto sa sektor ng paggawa.

Ang sinasabi ng Malacañang ay wala daw umano itong kapangyarihan na tapusin ang ENDO kahit maglabas ng EO dahil nakasalalay sa Kongreso ang pagpasa ng batas. Hindi ba supermajority ng Kongreso ay kaalyado ng Pangulo? Isang baston nga lang ng Pangulo ay pinapasa agad ang mga panukala kahit pa pahirap sa taumbayan tulad ng TRAIN Law.

Maski nga sa impeachment ng Supreme Court Chief Justice ay karipasan ang mga kaalyado ni Duterte.

Kung tunay ang kagustuhan ng Pangulo na tapusin ang ENDO, marami siyang paraan lalo pa at hawak niya naman sa leeg ang Kongreso. Nasaan na ang political will na ipinagyayabang ng administrasyon?

Aminin na lang sana ni Duterte na hindi niya kayang tuparin ang pangako niyang ito sa mga manggawa imbes na patuloy na pinapaasa ang mga tao sa wala. Nawa’y maging aral din ito sa taumbayan – huwag pabobola lalo na kung mismong Pangulo na ang umaming nambobola lang siya.