Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Paano tutulungan ang ating mga anak sa pagluluksa

0 226

Isa sa mga topic na iniiwasang pag-usapan ay ang kamatayan. Pero isa rin ito sa alam nating mangyayari at mangyayari.

Naalala ko noong pumanaw ang aking asawa, napakahirap na ipaliwanag sa mga anak ko na hindi na namin makikita o makakasama muli ang kanilang papa, lalo na at maliliit pa lang sila noon. May takot din sila na baka may mawala rin na ibang kamag-anak at kaibigan. Ang bunso ko ay tatlong taong gulang pa lang. At ang pinakamahirap, kung paano rin sila tulungang magluksa.

Gusto kong ibahagi sa inyo ang ilan sa mga paraan para mas mapaunawa sa kanila ang konsepto ng kamatayan at paano sila matutulungan na mag-cope kapag may namatay na mahal sa buhay.

1.Magsabi ng totoo. Kung may pumanaw na mahal sa buhay, dapat na harapin natin agad at sabihin sa kanila ang totoo. Normal na gusto natin silang proteksyunan sa posibleng sakit na maramdaman nila, pero sa pagsasabi ng totoo, magkakaroon sila ng tiwala sa inyo na tutulungan nyo sila sa kanilang pagluluksa.

2.Magbaon ng maraming pasensya. Kailangang bigyan natin ng panahon at pagkakataon ang ating mga anak na i-absorb o maproseso ang mga nangyari.

3.Ihanda ang sarili sa paulit-ulit na tanong lalo na kung nasa toddler years pa lang ang inyong mga anak. Obserbahan din ang kanilang mga sinasabi o kinikilos dahil pwedeng may mga pagkakataon na sisisihin nila ang sarili o maging guilty sa pagpanaw ng mahal sa buhay.

4.Okay lang magpakita ng kalungkutan. Bilang magulang, gusto nating maging matatag para sa mga anak natin, na dapat tayo ang pang-hugutan nila ng lakas. Okay lang na sabihin sa kanila ang inyong nararamdaman at normal ito.

5.Magkaroon ng paggunita sa mga kapamilya at mahal sa buhay na pumanaw na. Humanap tayo ng paraan para ‘connected’ pa rin ang ating mga anak sa mga mahal sa buhay na yumao na. Kami ng mga bata, taon-taon, sa mga importanteng petsa ay pumupunta sa puntod ng papa nila. May mga pictures pa rin sa aming bahay, at napapagkwentuhan pa rin ang mga magagandang alaala noong siya ay buhay pa.

Sa lahat ng ito, huwag kalimutang alagaan din ang sarili. Humingi ng tulong kapag kailangan. Hindi natin matutulungan ang ating mga anak kung tayo mismo ay may sakit o pinanghihinaan ng loob.

Isang payapang paggunita ng undas sa ating lahat.

Leave A Reply

Your email address will not be published.