Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Paano pumili ng iboboto?

0 288

Pangkaraniwan na marahil na bumoto ng kandidato kung saan may magiging benepisyo tayo.

May mga tao na ang batayan nila ay kung kaninong kandidato sila malapit o may kakilala na malapit. Tinitingnan nila ito bilang pagseseguro na may malalapitan sa oras ng pangangailangan—maging tulong pinansyal, pagpasok sa trabaho, paglagay sa posisyon, o paggamit ng impluwensya. Nguni’t hindi lahat pangsarili ang pakay. Ang salitang benepisyo ay maari ring maunawaan na pangkalahatan katulad ng paghangad na ang mananalo ay magkakaroon ng maayos at tapat na pamamalakad na magdadala sa bansa sa kaunlaran.

Subali’t, ang tanong pa rin ay, paano nating malalaman kung sino ito? May mga gumawa ng mga modelo upang ma-estima kung paano ang naging pagganap ng isang presidente. Maari rin nating gamitin ang parehong mga pamantayan upang tingnan naman ang kanilang kakayahan o potensyal sa pagganap, base sa ating mga nalalaman ngayon tungkol sa isang kandidato.

Ang unang larangan ng pagsusuri ay ang kakayahan sa komunikasyong pampubliko. Ang kandidato ba ay may kakayahan makipag-usap sa iba’t ibang uri at antas ng mga tao, kasama na ang mga banyagang pinuno? Mayroon ba siyang karisma na kinakailangan para makapanghikayat o mapaniwalaan? Ang sumunod ay ang kapasidad ng isang tao na pumili ng maayos na mga magiging katuwang sa pagganap. Kapag nanalo, papaligiran ba niya ang kanyang sarili ng mga kaibigan, kaklase, kababata, kamag-anak, kababayan o kukuha siya ng mga magagaling sa kani-kanilang larangan upang tumulong sa pagganap? Kailangan din may kasanayan sa pulitika ang pipiliin, upang alam niya kung paano baybayin ang pasikot-sikot nito.

Related Posts

Nararapat iboto ang kandidatong may malinaw at totoong pangarap o bisyon para sa bansa. Kung wala nito, saan niya dadalhin ang bansa? Nararapat din usisain ang uri ng kanyang bisyon. Ito ba ay limitado sa isang isyu, kagaya halimbawa ng ilegal na droga o malawak kagaya ng pag-unlad ng ekonomiya sa pamamagitan ng mga pagwawasto sa mga patakarang pang-ekonomiya. Mahalaga rin na maayos ang pag-iisip ng ating magiging pinuno ng bansa. Madali ba niyang maiitndihan ang mga masalimuot na sitwasyon ng bayan? Kaya ba niyang gamitin ang mga datos at mga dalubhasang payo sa kanya? May kakayahan ba siyang bumuo ng tama at naangkop na solusyon sa mga magiging problema? Magdadala ba siya ng kutsilyo sa labanang baril? Kikilalanin ba niya ang sitwasyon bilang krisis medikal kung ito ay pandemya o dadaain ang problema sa solusyong militar?

At ang panghuli ay ang tinatawag na katalinuhang emosyonal. Ang napupusuan mo bang kandidato ay matatag ang mga emosyon na kayang niyang ihiwalay ito sa kanyang pagganap bilang presidente ng bansa? Hindi ba siya magmamaktol sa harap ng buong bansa kapag nabibisto ang mga kabalastugan ng kanyang mga kaibigan? Hindi ba niya gagamitin ang kapangyarihan ng kanyang posisyon upang makaganti? Hindi ba siya gagawa ng kuwento para lang mapakulong ang isang tao na kritikal sa kanya?

Huwag magpaloko sa mga pangako. Huwag masilaw sa bigay. Suriin natin silang mabuti.

Leave A Reply

Your email address will not be published.