Una sa Balita

Paano nagkasya?

By
0 537
 
Para sa mga hindi nakakaalam, P50 milyon kada taon ang salary cap ng bawat koponan sa PBA. Ibig sabihin, kapag pinagsama-sama mo ang suweldo ng lahat ng mga manlalaro sa isang koponan, hindi ito puwedeng lumampas sa P50 milyon.

 

At hindi rin puwedeng bumaba sa P27 milyon ang pinagsama-samang suweldo ng mga manlalaro ng isang koponan. Ang tawag diyan ay salary floor.

 

Kapag sumobra ka sa salary cap, o bumaba ka sa salary floor, may paglalagyan ka sa liga.

 

Bakit kailangan ang salary cap? Para mabig­yan ng proteksyon ang mga koponan na hindi ganoon kalalim ang bulsa. Dahil kung walang salary cap, tiyak na lahat ng mga magagaling na manlalaro ay mapupunta lang sa dalawa o tatlong koponan sa PBA. Sabihin na nating dalawang grupo – ang San Miguel teams o Ramon Ang teams na SMB, Ginebra at Magnolia at MVP teams o ang TNT, Meralco at NLEX.

 

At bakit naman kailangan ang salary floor? Para mabigyan naman ng proteksyon ang mga manlalaro, na hindi sila babaratin ng todo ng kanilang mga koponan.

 

Bakit natin napag-uusapan ang salary cap? Dahil marami sa mga katoto ang nagtatanong kung papaanong nagkasya pa sa salary cap ng San Miguel Beer ang suweldo ni Terrence Romeo, na nanggaling sa TNT. Bago ‘yun, sa NorthPort unang nag­laro si Romeo.

 

Related Posts
Magkano ba ang maximum contract ng mga star players sa liga? Buweno, si Jun Mar Fajardo ng SMB, na four-time MVP, ay tumatanggap ng buwanang suweldo na P420,000 na sa loob ng isang taon ay P5.04 milyon ang halaga. Ayon sa SMB governor na si Robert Non, tanging si Fajardo lang ang tumatanggap ng maximum salary sa koponan.

 

Ayon pa kay Non, nag-sakripisyo ang ibang mga star players ng SMB para magkasya sa koponan si Romeo, na ang tinatanggap na suweldo umano ay lampas lang ng P200,000 kada buwan.

 

Paano nakakabawi ang mga star player sa kanilang sakripisyo?

 

Hindi kasama sa salary cap ang won game bonus at bonus na natatanggap ng bawat manlalaro kapag tinanghal na kampeon­ ang koponan. Ibig sabihin, nasa may-ari na ng koponan kung magkano ang ibibigay nilang bonus sa mga manlalaro.

 

Pero mayroon pang isang paraan para hindi naman masyadong malugi ang mga nag-sakripisyong manlalaro. Ganito lang ang gagawin – hihingin na ng advance ang 80 porsi­yento ng suweldo sa loob ng isang taon o dalawang taon at gagamitin itong pang-negosyo. O time deposit. Bawi ang isinakripisyong salapi!

 

Hindi nakapagtatakang ang isang star player ay tatanggap na lang ng P50,000 kada buwan o mas mababa pa.

 

At ‘yan ang magic kung bakit nagkasya sa SMB si Romeo. Ang tanong: Makakatulong ba ito para muling makakuha ng kampeo­nato ang koponan? Ating abangan!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy