Una sa Balita

Paalam

By
0 676

Nitong nagdaang linggo at mga araw, ilang mga musikero ang namaalam. Binawian ng buhay dahil sa iba’t ibang kadahilanan.

Ang nauna ay ang pinakamalapit sa akin na musikero, si Bob Aves. Marami kaming pinagsamahan mula nang kami ay nagka­kilala. Halos lahat ng aking mga sinulat na musika, maging ang una kong solo album, Pasakalye, ay siya ang aking naging areglador.

Isang mahusay na musikero at kompositor si Bob. Nagtapos sya sa Berklee College of Music sa Boston, Massachusetts. ‘Di maikakaila ang kanyang galing at husay sa musika.

Maraming alaalang ‘di malilimutan sa pakikipagtrabaho sa isang henyong si Bob. Nakakapanghinayang lang at hindi masyadong napansin ng maraming Pilipino kung gaano siya nagpakadalubhasa sa paglikha ng musikang matatawag na Pinoy jazz o maaring matawag na world jazz. 

Hindi lang basta simple musika ito kundi kakaibang likha. Siya lamang ang tanging musikong Pilipinong kilala ko na nagtutulak ng ganitong musika.

Hindi ito tulad ng pop music na lagi nating naririnig. Ito’y mga obra o masterpieces na pinag­laanan ng panahon at malalim na pag-iisip. Isang sining. Katangi-tangi at masasabing authentic at orihinal na musikang Filipino.

Naitanghal din ni Bob ang kanyang mga likha sa iba’t ibang World Music Festival, kasama sina Grace Nono at ang mga katutubong musiko mula sa Mindanao at Cordillera.

Hindi ako manghihinayang sa kanyang paglisan. Marami siyang iniwan na magagandang pamana sa ating mga Pilipino. Ang kanyang huling album ay ang Out of Tradition, na na-release noong 2013. Maaaring marinig ang kanyang mga obra sa Spotify. At mabibili sa iTunes at Amazon.

Nitong nakaraang araw ay sumunod namang namaalam si Pepe Smith. Miyembro ng da­ting Juan de la Cruz band, kung saan kasama niya sina Wally Gonzalez at Mike Hanopol.

‘Di lang isang musikero ang batang Kamuning na si Pepe, kundi isang alamat, haligi ng kontemporaryong musikang Filipino. Icon ng Pinoy rock music, kumbaga.

“Himig Natin” ang natatangi nyang obra na siyang anthem ng Pinoy rock music at classic na Original Pilipino Music. Isa na ring privilege na naisama ko ang kantang ito sa aking 5th solo album. Laging sinasabi na ibinaba ko sa langit ‘yung kanta, kasi ginawa kong bayan. Nagpaalam naman ako bago napalitan ang ilan sa mga lyrics. 

Makulay ang naging buhay ni Pepe. Isang mukha na naukit na sa utak ng mga Pilipino. At sa kabila ng kanyang kasikatan, siya ay masayahin at madaling pakitu­nguhan. “Rak en roll” ang lagi niyang bulalas kapag binabati siya ng mga tao.

Kaya, paalam Bob at Pepe. Hanggang sa mu­ling tugtugan. Maraming salamat sa mga magaganda at masasayang alaala, at sa pamanang musika sa ating bayan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy