Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Paalam sa ‘Hari ng Agimat’: Don Ramon markado sa puso ng masang Pilipino

0 1,210

Tuluyan na ngang nagsara ang kurtina para sa beteranong aktor, politiko na si Ramon Revilla Sr. o mas kilala bilang “Hari ng Agimat” sa industriya ng pelikula.

Isa siyang alamat, inspirasyon at public servant na habambuhay mamahalin ng maraming Pilipino dahil sa mga tumatak na mga karakter niya sa pelikula, pati na rin sa pagseserbisyo para sa bayan bilang isang politiko.

Bakit nga ba “Hari ng Agimat” ang tawag sa kanya?

Nagsimula nga ito sa paggawa niya ng mga pelikula na katulad ng “Pepeng Agimat”, “Nardong Putik”, na nagbigay sa kanya ng imahen ng pagiging isang superhuman na mayroong espesyal na agimat na nagpapanatili sa kanyang lakas upang hindi tablan ng anumang sakit.

Tumatak nga sa publiko ang mga karakter na kanyang ginampanan, at dahil sa kanyang mga remarkable na pag-arte, pinarangalan siya noong 1973 bilang FAMAS Best Actor para sa pelikulang “Hulihin si Tiyagong Akyat” kasama ang kanyang anak na si Marlon Bautista para naman sa FAMAS Best Child Actor award sa parehong pelikula.

Noong 1979 naman, pinarangalan siya bilang Most Outstanding Actor at Box Office King.

At sa ika-33 Catholic Mass Media Award naman noong 2011, nabigyan naman si Don Ramon ng parangal na Lifetime Achievement Award.

Kung award sa pelikula ang pag-uusapan, sangkatutak na ang nakamtan niya. Kumbaga, kumpleto na ang kanyang pagiging artista, at wala na siyang dapat patunayan.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Sinubok din ni Don Ramon ang pagpoprodyus sa pamamagitan ng Imus Productions. Ilan sa mga nagawa niyang pelikula ay ang mga sumusunod:

Pepeng Agimat: Sa Daigdig ng Kababalaghan, Hulihin si Tiagong Akyat, at Anting-Anting, Tonyong Bayawak, Sierra Madre, Iyo Ang Tondo, Kanya ang Cavite, kasama ang namayapa na ring si Fernando Poe, Jr.

Bumida rin siya sa mga pelikulang Joaquin Bordado, Pepeng Kuryente, Ang Mahiwagang Daigdig Ni Elias Paniki, at marami pang iba.

Memorable rin ang pelikulang Target Police General: Major General Alfredo Lim Story.

Pero, hindi nga sa harap ng kamera bilang artista nagtapos ang kanyang hangarin na makapagpasaya ng mga tao. Naramdaman ng kanyang puso ang kagustuhan na makatulong sa mahihirap.

At noong 1992, naging senador si Don Ramon, hanggang sa kanyang ikalawang termino noong 2004.

Siyanga pala, dinala nga kahapon sa Senado ang labi ni Don Ramon para alayan ng military honors. Limitado lang ang nakasama sa mga anak niya, o mga kamag-anak niya, bilang pagsunod sa protocol ng social distancing at mass gathering, na ipinatutupad sa ngayon dulot ng COVID-19. Agad din siyang dinala sa Imus Cathedral kung saan ay pinagbigyan ang mga kababayan, tagahanga niya, na makapagbigay ng kanilang huling paalam sa kanilang idolo. Mahal ng masang Pilipino si Don Ramon at pruweba riyan ang pag-akyat ng kanyang karera sa pelikula at politika.

Ngayong Huwebes tuluyang ihihimlay sa Angelus Eternal Garden sa Bacoor Cavite si Don Ramon. (Dondon Sermino, Athena Yap)

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.