Una sa Balita

Paalam, Manoy!

0 542

PAALAM, MANOY!

Namatay na ang multi-awarded veteran actor na si Eddie Garcia kahapon, Huwebes, H­unyo 20.

Ayon sa report ay binawian ng buhay si Eddie sa oras na 4:55PM sa edad 90 taong gulang.

Naaksidente ang senior actor nu’ng Hunyo 8 habang nagti-taping ng bagong Kapuso series. Neck fracture umano ang dahilan ng coma state niya mula sa isang hospital sa Tondo, Manila hanggang sa inilipat sa Makati Medical Center, hanggang sa namatay.

Sa huling medical report nitong nakaraang mga araw matapos sumailalim sa EEG ang senior actor, minimal na ang brain activity niya.

Habang sinusulat ito ay wala pang statement ang pamilya ni Tito Eddie sa pagyao niya pati na detalye kung saan siya ibuburol.

Sa interview kay Dr. Tony Rebosa, spokesperson ng pamilya Garcia, nalaman lang niya ang malungkot na balita mula sa isang tawag sa ospital. Hindi pa rin siya nakakakausap ng members ng family. Nasa Cagayan de Oro City siya nang makausap ni Susan Enriquez.

“Na-shock din ako sa balitang pumasok sa telepono. Official siyang pumanaw ng 4:55PM. Hindi nakalagay ang cause of death. I’m sure naman sa natamo niyang komplikasyon sa injuries sa cervical fracture niya. Mula nang nangyari ang aksidente ay kritikal na siya,” saad ni Dr. Rebosa na wala ring alam sa iba pang detalye ng pag-yao ni Tito Eddie.

***

Eddie mahigit 300 pelikula ang nagawa

Sa edad na 90, naging aktibo pa rin si Eddie Garcia sa pag-arte, mapa-pelikula man o telebisyon.

Nagsimula ang acting career ni Eddie noong 1948 pagkatapos niyang mag-serve bilang Philippine Scout pagkatapos ng World War II at bilang isang military policeman sa Okinawa, Japan.

Higit na 71 years na ang tinakbo ng showbiz career ni Eddie bilang actor at film director. Umabot na sa higit 300 films at 33 TV shows.

Si Eddie nga lang ang nag-iisang aktor na nasa FAMAS Hall of Fame for Best Actor, Best Supporting Actor at Best Director.

Pinanganak sa Sorsogon, Sorsogon si Eduardo Verchez Garcia noong May 2, 1929. Sa municipality of Juban lumaki at nakapag-aral si Eddie. Dahil full-blooded Bicolano si Eddie, tawag sa kanya ng mga taga-showbiz ay “Manoy”.

Unang acting job ni Eddie ay sa pelikulang “Siete Infantes de Lara” in 1949. Mas nakilala si Eddie sa kanyang mga kontrabida role noong nagsisimula pa lang siya. Pero ‘di nagtagal ay naging leading man si Eddie sa ilang drama movies at naging mahusay din siyang komedyante. Ang unang pelikulang dinirek niya ay “Karugtong ng Kahapon” in 1961.

Bilang film director, naidirek na niya ang halos lahat ng leading ladies ng Philippine showbiz tulad nila Charito Solis, Gloria Romero, Nida Blanca, Amalia Fuentes, Nora Aunor, Vilma Santos, Sharon Cuneta, Dina B­onnevie, Lorna Tolentino at marami pang iba. Gayundin ang mga mahuhusay na aktor ng showbiz tulad nila Christopher de Leon, Phillip Salvador, Gabby Concepcion, Tonton Gutierrez, Ricky Davao, Edu Manzano, Albert Martinez at iba pa.
***

Pinakamaraming acting award sa Pilipinas

Masasabi rin na si Eddie ang may pinakamaraming awards na natanggap. Halos lahat ng award-giving bodies sa Pilipinas ay meron siya. Isama pa ang mga napapanalunan niya sa mga international film festivals.

Bilang supporting actor, nanalo ng limang beses sa FAMAS si Eddie para sa mga pelikulang “Taga Sa Bato”, “Condenado”, “Tanikalang Apoy”, “Ito Ang Pilipino” at “Nueva Ecija.” Limang beses din siyang tinanghal na FAMAS best actor for “De Colores”, “Tubog Sa Ginto”, “Minsan Pa Nating Hagkan Ang Nakaraan”, “Bakit May Kahapon Pa?” at “Bahid.”

Kelan lang at muli siyang nanalo bilang FAMAS best actor para sa “ML.” Five times din siyang nanalo bilang FAMAS best director for “Pinagbuklod Ng Langit”, “Sinasamba Kita”, “Magdusa Ka!”, “Saan Nagtatago Ang Pag-Ibig?” at “Imortal.”

Sa Film Academy of the Philippines at Gawad Urian ay ginawaran siya ng Lifetime Achievement Award para sa mga pelikula niyang “Magdusa Ka”, “Saan Nagtatago Ang Pag-ibig”, “Deathrow” at “Abakada Ina.”

Sa Metro Manila Film Festival, nagawaran si Eddie bilang best actor para sa “Andres Manambit”, “Mano Po” at “Rainbow’s Sunset.” Nanalo rin siya ng best director award for “Atsay” at “Imortal.”

Ang first international film award naman ni Eddie ay galling sa 55th Asia-Pacific Film Festival para sa pelikulang “Bwakaw” as Asian Film Award for Best Actor.

Sa TV, ang naging pinakamatagal niyang ginampanan na role ay bilang si Don Emilio sa “FPJ’s Ang Probinsyano” na inabot ng tatlong taon sa ABS-CBN 2. Nagmarka naman ang ilan pang TV roles niya sa “Kung Mawawala Ka”, “Darna”, “Legacy”, “Babaeng Hampaslupa”, “Juan dela Cruz” at “The Half Sisters.”
***

Simpleng tao sa tunay na buhay

Hindi naging maingay ang personal na buhay ni Eddie dahil nagawa niyang ihiwalay ito sa showbiz at manatiling pribado. Wala ngang may alam ng pangalan ng kanyang asawa o ng kanyang mga anak.

Para sa mga nakakakilala kay Eddie, simple lang daw ang buhay nito at mas mahilig ito sa sports tulad ng target shooting at golf. May diet na sinusunod si Eddie kaya napapanatili niya ang kanyang kalusugan na sinasabaya­n niya ng pag-inom ng maraming vitamin supplements.

Never na na-link si Eddie sa kanyang mga naging leading ladies sa pelikula dahil ayaw niyang ma-involve sa kontrobersya kaya naman mataas ang respeto sa kanya sa entertainment industry.

***

Artista, tagahanga sabay-sabay nagluksa

Heto ang reaksyon ng ilang artista sa pagkamatay ni Tito Eddie:
“Rest in peace Tito Eddie Garcia. 30++ films made in his lifetime. TRULY A LEGEND.” – Paulo Avelino.

“We lost an icon today. This is truly heartbreaking. Rest easy sir. I love all the conversations. I was blessed to share with you, and I will remember you fondly forever.” – Bela Padilla.

Nakikiramay ang Abante sa pagkamatay ng isa sa haligi ng local film industry.

***

Abo isaboy sa Manila Bay

Sa mga panayam kay Tito Eddie noon, madalas niyang sabihin na kapag siya ay nawala, ayaw na ayaw niya na ibuburol siya. Diretso raw agad sa cremation.

“Gusto ko na tahimik lang, na walang nakakaalam na iba.

“Na malalaman lang ng mga tao na wala na ako kapag naisaboy na sa Manila Bay ang abo ko.”

Pero malabo ngang mangyari ‘yon, dahil si Eddie ay isang institusyon. At kasabay nga ng pamamaalam niya ay ang pagluha ng langit, dahil bumuhos ang malakas na ulan nu’ng mga oras na inanunsiyo na patay na si Eddie.
***

Mensahe ng GMA-7

“GMA Network deeply mourns the passing of veteran actor Eduardo ‘Eddie’ Verchez Garcia.

“‘Manoy,’ as he is fondly called, will be greatly missed by his family, loved ones, co-workers, and fans.

“An accomplished and respected actor and director, he was a movie icon and an industry pillar who has touched so many lives in the Philippine entertainment industry. He left behind a legacy of professionalism, dedication, and love for his craft.

“The Kapuso Network joins his family and the whole entertainment industry in mourning his pas-sing.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy