Una sa Balita

Paalam, Gina Lopez; Murang bill sa kuryente simula Disyembre

0 861

Namaalam na ang pinakamasiyahing taong nakilala ko, ‘di alintana ang mga higanteng problemang dumating at mga unos na hinarap niyang walang takot. Si Gina Lopez, mula sa kilalang angkan ng Lopez na nagmamay-ari ng ABS-CBN – laging masaya, laging positibo ang pananaw.

Isang babaeng balingkinitan na nag-iwan ng malaking anino sa dami ng kanyang natulungan. Mula sa mga batang nasa panganib at kulang sa pag-aaruga, nariyan ang Bantay Bata 163 na pinasimulan ni Gina. Isang tunay na tagapagtanggol ng kalikasan na may pruwebang maipakikita, katulad­ ng ­rehabilitasyon ng Pasig River at La Mesa­ Watershed. At ang tahasang paglaban sa dambuhalang mining companies na lumalabag sa environmental laws.

Si Gina ang pinakamagaling na Secretary of “defense” o taga­pagtanggol ng ating kalikasan. Dala niya sa kabilang buhay ang ating pasasalamat at paghanga sa serbisyong ibinigay niya para sa ating kalikasan at mga kapos sa buhay. Mara­ming salamat, Gina Lopez. Sana’y marami pang katulad mo ang tumayo at ipagpatuloy ang nasimulan­ mong laban.

***
Good news sa mga misis na buwanang namumroblema kung paano pagkakasyahin ang budget sa pamilya.

Isang ganap na batas na ang Murang Kuryente Act na ating inakda at paulit-ulit na inalagaang maging batas mula pa noong 2013 o 16th Congress­. Pinalad na bago magtapos ang 17th Congress ay naipasa na ito sa pagtataguyod ni Sen. Win ­Gatchalian bilang chairman ng committee on Energy, at sa pagsimula nitong 18th Congress ay pinirmahan ni Pangulo Rodrigo Duterte bilang Republic Act 11371.

Tinuldukan na ng Murang Kuryente Act ang patuloy na ­paniningil sa lahat ng kumukonsumo ng kur­yente ng tinatawag na “Universal Charge” o UC na parati nating nakikita sa ating bill ng kuryente.

Itong UC ang ­nagiging pambayad sa mga ­naiwang utang ng ­Napocor bago ito isinapribado. Sa ­kasamaang palad, tayong lahat ang nagpapasan nito at nakakarga ang buwanang­ pagkolekta nito sa ating bill ng kuryente­. Iyan ang Universal­ Charge.

Suriin ninyo ang inyong­ bill ng ­kuryente. Makikita nyo sa maliliit na listahan ng bayarin ang Universal Charge, na sa isang bahay na kumukonsumo ng 200 kilowatts kada buwan, ay aabot ng P2,064 kada taon ang kabuuang­ babayaran.

Ayon sa bagong ­batas na Murang Kuryente­ Act, ititigil na ang sapilitang­ pagkolekta sa atin ng UC at ­pahihintulutan ang ­pamahalaan gamitin ang pondo ng ­Malampaya upang bayaran ang naiwang utang ng ­NAPOCOR. ­Magandang balita, ­subalit ­mararamdaman natin ang epekto ng bagong batas na ito sa ating ­electric bill ng Disyembre­, kapag ­nagawa na ang Implementing Rules and Regulations­ ng batas sa loob ng 90 araw o 3 buwan­.

At dahil malapit nang matigil ang pangongo­lekta ng UC sa bawat bahay na gumagamit ng kuryente, may dagdag panggastos na si misis para sa ibang bagay.

Maaaring hindi kala­kihan ang kabawasan sa buwanang bayarin sa kuryente dulot ng ating Murang Kuryente Act, subalit pandagdag pa rin ito para sa iba pang ­gastusin sa panganga­ilangan ng pamilya.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy