Una sa Balita

Pa-welcome ng PNP kay Digong?…LAGUNA, BULACAN DUMUDUGO NA!

By ,
0 11

Ilang araw bago umupo ang bagong administrasyon ni President–elect Rod­rigo Duterte na may malakas na kampanya kontra krimen at illegal drugs, umagos ang dugo ng mga taong sangkot sa bentahan at paggamit ng iligal na droga makaraang mapatay sa magkakahiwalay na lugar sa Bulacan  at Laguna ang tatlong drug pusher habang 10-katao ang nadakip sa buy-bust operation sa nabanggit na lalawigan.

Sa Calamba City, Laguna, dalawang drug pushers ang patay matapos makipagbarilan sa mga pulis kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Calamba City Chief of Police Supt. Fernando Ortega, nagsagawa sila ng Anti-Illegal Drugs Entrapment operations sa Brgy. Banlic, Calamba City pero nanlaban ang mga suspects matapos matunugan na mga pulis ang kanilang ka-deal.

Nauwi sa barilan ang insidente na ikinasawi ng mga suspek na nakilala lamang sa mga alyas Joel at Rafael.

Nakatakas naman ang isa pang suspek na nakilala bilang isang alyas Sargot.

Na-recover mula sa mga suspek ang isang cal. 45 baril at 1 cal. 38 revolver at hindi pa malamang dami ng shabu.

Samantala, isang notorious drug pusher na kabilang sa watchlist ng pulisya ang napatay samantalang nakatakas ang kasamahan nito makaraang makipag­barilan sa Plaridel police sa Bulacan habang 10 kasamahan nitong tulak at drug addict ang nadakip sa pot session sa isinagawang buy-bust operation sa Sitio Dike, Barangay Banga 1st, Plaridel, Bulacan kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Supt. Andrew M. Aguirre, Plaridel police chief, ang napatay na suspek na si Jason Adriano y Mangulabnan alyas Bilog, nasa hustong gulang na nagtamo ng tama ng bala sa katawan na ikinasawi nito habang nakatakas ang kanyang kasamang si Reynaldo Sta. Maria alyas Inad, kapwa nasa police watchlist at big-time drug pusher.

Naaresto naman habang nasa loob ng isang bahay sa lugar ng engkuwentro at nagsasagawa ng pot session sina Alfonso Tanglao, 22; John Philip dela Cruz, 29; Jocelyn Espidido, 19, dalaga; Desiree Santos, 35; Reynaldo Garcia, 36; Nino Santos, 33; Rodolfo Fabian, 60; Arwin dela Cruz, 19; Annaliza Domingo at Maan Miranda, pawang residente sa lugar.

Ang sampung nahuli sa pot session ay nakade­tine na sa Bulacan Provincial Jail-Malolos City at nakarekober ng isang kalibre .38 rebolber, mga bala, ilang pakete ng shabu at drug paraphernalias.

Natuwa naman ang palasyo sa masigasig na operasyon ng Philippine National Police (PNP) laban sa krimen at iligal na droga.

Ginawa ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr., ang pahayag kasunod ng mga obserbasyon na nagpapasiklab lang ang PNP kay incoming President Rodrigo Duterte.

Kung nagagalak, aniya, ang taumbayan sa ginagawa ngayon ng PNP, ganito rin umano ang nararamdaman ng outgoing administration. (W/Boyet Jadulco)