Una sa Balita

Pa–like naman

By
0 540

Sa ikatlong sunod na taon, ang Pilipinas pa rin ang hinirang na social media capital of the world.

Sa 2018 Global Digital report na isinagawa ng We Are Social at Hootsuite, napag-alaman na ang average na Filipino ay nasa social media nang apat na oras kada araw noong 2017, habang sa internet naman ay siyam na oras at 29 minuto araw-araw.

Halos lahat daw kasi sa atin ay may social media account tulad ng Facebook, Twitter at Instagram – Facebook bilang pinakapaboritong platform kasunod ang Youtube.

Mayroon nang 4 bil­yon na internet user ngayong taon — 7% mas marami noong 2017. Higit na ito sa kalahati ng populas­yon ng mundo na tinatayang nasa 7.6 bilyon. Ang bilang naman ng social media user ay umakyat ng 13% at umaabot na sa 3.196 billion. Ayon pa rin sa pag-aaral, may 11 bagong social media user kada segundo.

Kagula-gulantang ang mga numerong ito lalo na kung titignan ang paglago ng paggamit ng internet nitong nakalipas na dekada. Mahalaga na lubos maintindihan ng lahat ang dulot ng teknolohiyang ito – mabuti at masama.

Isang magandang bu­nga ng social media ang madaling koneksyon at mabilis na komunikasyon sa pagitan ng lahat. Ang liit na ng mundo kung tutuusin. Halos wala ng border sa pagitan ng mga bansa, iba’t ibang lahi at kultura. Maging ang daloy ng mga balita at palitan ng kuro-kuro ay napakabilis na rin.

Pero, may malagim na aspeto ang social media. Matatandaang napakaraming buhay ang sinira ng pagiging online, sa unang pagsibol nito sa ating bansa. Halos di mabilang ang mga nabiktima ng mga tinawag noong mga scandal na grabeng kahihiyan ang idinulot sa mga pamilya kung saan may ilang hindi na nakabangon pa.

Usong-uso pa rin ngayon ang mga scam, identity theft, trolling at cyber-bullying na kapwa nagbibigay ng masamang kulay sa social media at internet. Kailangan talagang maging marahan tayo sa paggamit nito. Kung sa mga harap-harapang pakikipag-ugnayan natin sa araw-araw ay maingat tayo, higit pa dapat sa hindi naman natin nakikita.

May pag-aaral naman na ang sobrang paggamit ng social media ay may dulot na pa­nganib sa isip at damdamin ng tao. Nakitang may pattern na dulot ng depresyon ang social media dahil sa mga filtered at exaggerated na post na hindi naman kumakatawan sa totoong buhay. Dahil sa mga tinatawag na snapshot na ito, nagkakaroon ng matinding inggit, pakiramdam ng pagkukulang sa sarili, at pagnanasang maki­pagsabayan sa iba.

Huwag nating hayaan na lamunin tayo nito. Let us all be conscious of the fact that social media is just a tool, not an end goal to aspire for. Pag ganyan, siguradong Like tayong lahat, at walang Dislike o Angry.