Una sa Balita

P9M sibuyas at carrots nasabat sa pier

By
0 1

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang tone-toneladang sibuyas at carrots na nagkakahalaga ng mahigit sa P9 milyon na tinangkang ipuslit sa Manila International Container Port (MICP).

Ayon sa BOC, tuluy-tuloy ang kampanya ng ahensya laban sa agricultural smuggling kung saan pinakahuling nasabat ang apat na 40-footer containers na naglalaman ng pula at puting sibuyas na nagkakahalaga ng P7.2 milyon gayundin ng isang 40-footer container na naglalaman ng carrots at may halagang P1.8 milyon.

Sinabi ni MICP District Collector Atty. Vincent Philip Maronilla ang nasabing mga kargamento ay dumaan sa pag-eeksamin noong nakaraang buwan kung saan idineklara itong naglalaman ng bawang at mansanas.

Subalit nang siyasatin nang husto ay nakita na maliban sa bawang ay naglalaman ito ng pula at puting sibuyas, at carrots na pawang walang import permit mula sa Bureau of Plant and Industry (BPI) kung kaya’t agad na kinumpiska ng BOC.

Base sa record ng MICP, dumating ang kargamento noong Hulyo 7 at Hulyo 13 mula sa bansang China at naka-consigned sa kumpanyang V2Y International Marketing Co. na may tanggapan sa Madrigal Bldg., Escolta, Manila.

Sinabi naman ni Commissioner Isidro Lapeña, na itinanggi ng V2Y International Marketing Co. na sa kanila ang nasabing kargamento.

Sa kabila nito ay nahaharap sa kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act and Republic Act No. 10845, o mas kilalang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.