Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

P8M campaign fund personal na dineliber! Gordon nilaglag ni Napoles

0 82

Ibinunyag ni pork barrel scam queen Janet Lim-Napoles na tumanggap umano sa kanya ng P8 milyon si Sen. Dick Gordon bilang donasyon para sa kampanya nang kumandidato ito sa pagka-presidente noong 2010.

Isiniwalat ito ni Napoles nang bisitahin siya kamakailan ni anti-corruption advocate lawyer Larry Gadon sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City.

Sa pamamagitan ni Gadon ay muling umeksena si Napoles nang tukuyin niya si Gordon na kasali umano sa Napoles list ng umano’y mga politikong binigyan niya ng campaign money para sa kanilang kandidatura noong 2010 elections.

Sa katunayan, siya umano mismo ang naghatid ng pera sa tinutuluyan ni Gordon sa Unit 36-C South Garden, Pacific Plaza sa Taguig City para makatiyak na mapapa¬sakamay ito ng senador.

Sa isang video clip, tahasan pang tinanong ni Napoles si Gordon kung isinama nito sa kanyang statement of contribution and expenditures (SOCE) ang ibinigay niyang pera alinsunod sa kautusan ng Commission on Elections (Comelec) na pagsusumite ng kanilang mga ginastos at tinanggap na donasyon para sa idinaos na halalan.

“Senator Gordon, magtatanong lang po: ‘Yon po bang binigay kong contribution sa’yo noong election 2010 na hinatid ko po sa unit ninyo sa 36-C South Garden Unit, Pacific Plaza ay naisama ninyo ba sa inyong report noong matapos kayong tumakbo?” ani Napoles sa nasabing clip.

Idinagdag ni Napoles na umaasa siyang sasagutin at aaminin ito ni Gordon para malaman ng taumbayan na nakinabang din umano sa kanya ang senador dahil sa ibinigay niyang pera para sa kanyang kandidatura.

Nakakulong si Napoles dahil sa mga kasong serious illegal detention, graft at plunder kaugnay sa maling paggamit sa pork barrel funds ng mga mambabatas.

Samantala hanggang ngayon ay wala pang tugon ang tanggapan ni Gordon sa alegasyon ni Napoles. (Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.