Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

P850 lang kada sako pero P1K bili: DA ginisa sa P5B ‘overpriced’ abono

0 167

KINUWESTYON sa Kamara ang P5.69 bilyong fertilizer na binili ng Department of Agriculture (DA) ng maramihan sa presyo na mas mataas kumpara sa benta ng mga retail store noong 2020.

Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability kahapon, nagtanong si Nueva Ecija Rep. Michaela Violago kung bakit itinakda ng DA sa P1,000 ang presyo ng bibilhin nitong urea fertilizer na may bigat na 50 kilo kada sako samantalang ang bentahan ay nasa P850-P900 lamang.

Ayon sa DA ang P1,000 ay mas mababa kumpara sa datos na nakalap ng Philippine Statistics Authority at Fertilizer and Pesticide Authority na ang average national price ay P1,100.

Ayon kay Violago mayroong kompanya na nag-bid ng P850 kada sako pero diniskuwalipika ito.

Sinabi ni DA Undersecretary Waldo Carpio na sa unang emergency purchase ng ahensiya noong 2020, isa lang ang nakapagsumite ng bid sa takdang oras—ang La Filipina Uy Gongco.

Sa ikalawang emergency purchase ng fertilizer, sinabi ni Carpio na dalawa ang nanalong bidder ang La Filipina at Atlas Fertilizer.

Nagtataka naman si Violago kung bakit nadiskuwalipika ang ibang bidder samantalang katulad ng nanalong bidder ay wala rin naman itong stock ng fertilizer na kasing dami ng binibili ng DA.

Sinabi naman ni De­puty Speaker at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na dapat ay tiyakin ng DA ang competitive bidding.

Nauna rito ay sinabi ni Violago na hindi rin nasunod ng nanalong bidder na mai-deliver sa takdang oras ang fertilizer na hindi itinanggi ni DA Undersecretary Ariel Cayanan at idinahilan ay ang enhanced community quarantine nakaraang taon.

Sa pambungad na pahayag, sinabi ni DA Sec. William Dar na sinunod ng ahensiya ang proseso sa pagbili.

“Indeed there may be urea fertilizers suppliers that can offer lower price in the market but regrettably the companies offering such low prices either did not participate in the bidding or were disqualified during in the bidding process,” ani Dar.

Inutusan naman ng chairman ng komite na si DIWA Rep. Michael Edgar Aglipay ang DA na magsumite ng mga dokumento kaugnay ng pagbili nito ng fertilizer upang mapag-aralan ito ng mga miyembro. (Billy Begas/Eralyn Prado)

Leave A Reply

Your email address will not be published.