Una sa Balita

P70B lugi ng mga Farmer sa Rice Law ni Villar

0 439

CASH assistance at hindi zero-interest loan ang dapat ibigay ng gobyerno sa mga lokal na magsasaka.

Ito ang sinabi kahapon ni Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan dahil mahigit sa P60 bilyon hanggang P70 bilyon ang nawawala sa mga magsasaka bunsod ng implementasyon ng Rice Tariffication Law.

“Ang hinihiling din nila ay yung cash assistance. Actual assistance na cash dahil malaki ang nawala sa kanila sa taong ito,” pahayag ni Pangilinan.

“Mga kulang-kulang 60 to 70 billion pesos ang halaga ng palay last year na nawala this year dahil sa bagsak ng presyo,” dagdag pa nito matapos konsultahin ang mga magsasaka sa Central Luzon at Cebu.

Para makaagapay sa patuloy na pagbagsak sa presyo ng palay, dapat umanong maging aktibo ang National Food Authority (NFA) sa pagbili ng kanilang produkto, dagdagan ang taripa sa imported na bigas, magkaroon ng restriction sa importasyon ng bigas at magbigay ng mga post-harvest facility­ kagaya ng warehouse at mga dryer.

“Ang gusto ng mga magsasaka ay mas maging masigasig ang pagbili halimbawa ng NFA ng palay. Dapat mapaabot sa mas marami nating mga magsasaka. Humihingi rin ng tulong sa mga dryer, ng post-harvest facility,” sabi ni Pangilinan, vice chairman ng Senate Committee on Agriculture and Food.

“Dahil ‘pag walang dryer, hindi nila mabenta nang mas mataas na presyo dahil kung basa ang palay, mas mura yan. So malaki rin ang nawawala sa kanila dahil sa kakulangan ng facilities,” dagdag nito.

“Humihingi sila ng palugit sa pagbayad ng kanilang utang — kung maaaring deferment habang hirap dahil nga mababa ang presyo ng palay. So itong mga ito, ipapaabot natin mismo sa isang pagpupulong ni Secretary Dar,” saad pa ni Pangilinan.

Ibinigay ng mga magsasaka ang kanilang suhestiyon sa ginawang public consultation sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Sagip Saka Act of 2019 sa Nueva Ecija at Pampanga noong Biyernes.

Ayon sa senador, labis umanong naapek­tuhan ang lokal na ekonomiya ng Central Luzon, tinawag na rice granary ng Pilipinas, bunsod nang masamang epekto ng Rice Tariffication Law.

Bilyong piso ang nawala sa mga lokal na magsasaka bunsod ng pagdagsa ng imported rice na naging dahilan ng pagbagsak naman ng presyo ng palay.

Kung dati ay nabibili ang palay ng P21 bawat kilo, bumagsak na ito sa P17 kada kilo. May ilang magsasaka ang nagsabi rin na bumaba ito sa P7 kada kilo.

Nauna nang sinabi ni Senador Cynthia Villar sa debate sa Senado na fake news ang pagbagsak ng presyong palay sa P7 kada kilo. Si Villar ang isa sa pangunahing may-akda ng Rice Tariffication Law. Samantala, nagpahayag naman ng pagdismaya ang ilang magsasaka sa bayan ng Solana, Cagayan sa National Food Authority-Cagayan (NFA-Cagayan) sa diumano’y pagkakaroon ng palakasan sa pagbili ng palay ng nasabing ahensiya.

Sa naging farmers’ forum kasama ang mahigit isang libong magsasaka, Local Government Unit (LGU), iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at simbahan, inihayag ni Barangay Lannig, Solsona chairman Romel Ramces, na nagkakaroon ng palakasan sa pagbenta ng palay sa NFA sa naturang bayan.

Ayon kay Ramces, sinabihan siya ng isa sa mga kawani ng ahensiya na puno na ang bodega ng NFA gayong bihira pa lamang ang nag-aani ng palay.

Ngunit nang muli siyang bumalik sa NFA-Cagayan para igiit na ibenta ang aning palay ng kanyang kapatid, kanyang nakita na ilang mga malalaking rice trader ang pinapayagan ng ahensiya na magbenta.

Ayon kay Ramces na dagdag pahirap lamang sa kanilang mga magsasaka ang hindi pantay na pagbili ng palay bukod pa sa implementasyon ng Rice Tariffication Law (RTL).

Samantala, pinayuhan naman ng NFA-Cagayan ang punong barangay na maghain ng reklamo kalakip ng ebidensiya para imbes­tigahan ng ahensiya.

Tiniyak din ni NFA-Cagayan officer Julie Santo Tomas, hindi kukunsintihin ng ahensiya ang mga nagkasalang empleyado basta’t may kalakip na patunay sa naturang paratang.

Tinawag naman ng isang miyembro ng kooperatiba na hindi makatao ang Rice Tariffication Law na isinabatas ni Villar ayon kay Engr. Reymund Calagan, imbes na makatulong sa kanila ang nasabing batas ay lalo silang nalulugmok dahil sa mababang presyo­ ng palay.

(Dindo Matining/Allan ­Bergonia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy