Una sa Balita

P6B ayuda sa magsasaka inipit

0 298

PARA naman maging masaya at masaga­na ang Pasko ng mga rice farmer, dapat ipamahagi na ng Department of Finance (DOF) at Department of Agriculture (DA) ang P6 bilyon cash compensation na nakalaan para sa kanila, ayon kay Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan.

“Pamaskuhan naman natin ang ating mga magpapalay na nasalanta ng pagbaha ng murang imported rice. Kaila­ngan na nila ng bayad-pinsala ngayon,” pahayag ni Pangilinan sa bicameral conference committee meeting ng panukalang 2020 budget kahapon.

Nagsimulang mag-alala si Pangilinan sa kalagayan ng mga magsasaka noong Agosto sa kanyang privilege speech kung saan inihain niya ang ilang mga panukala para matiyak kanilang malalampasan ang masamang epekto ng pagbaha ng imported rice.

Sa Senate Bill 1191, ipinanukala ni Pangilinan na magkaroon ng P6 bilyong supplemental budget mula sa unprogrammed 2019 budget para sa direct cash transfer sa mga rice farmer na nagsasaka ng hindi bababa sa isang ektarya.

Sa 2.11 milyong rice farmer, 1.14 mil­yon ang nagtatanim ng isang ektarya.

Su­balit sabi ng DOF, 416,972 ang nasa probinsiya ang nakakaranas ng income lost na P2 kada kilo. Ang DOF ang magdedesisyon kung ilan ang aktuwal na bilang ng mga magsasaka na bibigyan ng kompensasyon.

“The cash transfer will give them a lifeline to continue farming while we try our best to fix the law, “ sabi ni Pangilinan, patungkol sa Republic Act 11203 o Rice Tariffication Act na nagpapatawang minimum na 35 porsiyentong taripa sa rice import.

Sabi pa ng senador, ang pag-release ng supplemental fund ay direktang ibibigay ng DBM sa DA na siyang naman natokahan na magbigay sa mga magsasaka.

“Hindi kasalanan ng ating mga magpapalay ang nangyayaring pagguho ng kanilang kabuhayan. Kailangan isalba natin ang pagpapalay dito sa atin, dahil kung hindi, tayo ring lahat na kumakain ng bigas ang sa huli ay magdudusa at kakapusin sa bigas,” dagdag pa nito. (Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy